Muling binatikos ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y pagkabigo nitong pigilan ang karahasan at protektahan ang mga kabataang Pilipino, kasunod ng nangyaring pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Bise Presidente na ang naturang insidente ay ang ikatlong kaso na ng pamamaril sa paaralan na naitala sa bansa ngayong taon.
“Patunay ito na ang ganitong uri ng karahasan ay isang mapait na katotohanan na maaaring mangyari sa mga paaralan ng ating mga anak sa anumang oras,” pahayag ni Duterte.
Idinagdag pa nito na ang insidente ay nagpapaalala na kapag inuuna ng pamahalaan ang pamumulitika kaysa sa batayang pamamahala, ang kapakanan at proteksyon ng mga bata ang pangunahing nasasakripisyo.
Inakusahan din ni Duterte ang administrasyong Marcos ng pagtutok sa sariling kapakanan upang manatili sa kapangyarihan sa halip na tiyakin ang seguridad at kaayusan sa bansa.
“Para kasi sa administrasyong Marcos, mas madali ang maging inutil, magnakaw, at magsamantala kaysa magsilbi nang tapat sa bayan,” giit ng Bise Presidente. “At sa halip na may makabuluhang aksyon at pagpapatupad ng kaayusan, ang administrasyong Marcos ay nakakulong sa walang katapusang laro ng political survival at consolidation.”
Ayon pa sa kaniya, binigo ng pamahalaan ang mga biktima at nakaligtas sa insidente sa South Cotabato, at nagbabala na marami pang kabataan ang nanganib dahil sa umano’y kapabayaan ng kasalukuyang pamunuan.
“Countless more Filipino children remain at risk of becoming casualties of this government’s incompetence and neglect. We deserve better leadership than this,” pagtatapos ni Duterte.
