Senado at hindi ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang may kapangyarihang magpasya kung lumabag si Vice President Sara Duterte sa Saligang Batas kaugnay ng pagiging miyembro nito sa board ng isang pribadong kompanya habang nasa pwesto sa gobyerno.
Ito ang nilinaw ni SEC Director Gerardo del Rosario nitong Lunes, Setyembre 21, sa pagpapatuloy ng impeachment trial ng Bise Presidente.
Ayon kay Del Rosario, na humarap bilang witness ng prosecution para sa Article II na nag-aakusa kay Duterte ng undeclared business interests at hindi maipaliwanag na yaman, nakatala ang pangalan ng Bise Presidente bilang direktor ng Metro City Chow Foods Corp. mula 2018 hanggang 2025. Naimbitahan si Duterte bilang incorporator noong 2016 at naupo bilang Bise Presidente noong 2022.
Sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian, kinumpirma rin ni Del Rosario na nakatala si Duterte bilang miyembro ng compensation committee ng kompanya, na nangangahulugang may “direct participation” ito sa pamamahala batay sa ulat ng corporate secretary.
Nang tanungin ni Gatchalian kung posibleng paglabag ito sa probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa Bise Presidente na magkaroon ng ibang tanggapan o lumahok sa anumang negosyo habang nanunungkulan, sinabi ni Del Rosario: “Siguro po it’s the Senate po ang bahalang maghusga kung talagang meron violation.”
Paliwanag ng opisyal, hindi ito pormal na inimbestigahan ng SEC dahil ang saklaw ng kanilang kapangyarihan ay may kinalaman lamang sa mga paglabag sa securities at hindi sa Saligang Batas na kinasasangkutan ng mga pampublikong opisyal.
Unang pinalagan ng defense counsel na si Atty. Justin Nicol Gular ang usapin matapos magtanong si prosecution counsel Atty. Erwin Matib kaugnay nito, ngunit pinahintulutan ito ni Presiding Officer at Senador Chiz Escudero.
Samantala, lumalabas din sa talaan ng SEC na nagmamay-ari si Duterte ng 20% ng subscribed shares ng kompanya na nagkakahalaga ng P50,000.
Nag-ulat din ang Metro City Chow Foods Corp. ng kabuuang net loss na P3,154,676 mula 2017 hanggang 2025 at walang idineklarang dividends sa nakalipas na walong taon.
