Gintong Laurel Awardees 2026
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
MAHIGIT 20 Natatanging Propesyonal, Guro, at Lider ng Bansa, Pinarangalan. Hindi lang basta parangal. Pagkilala ito sa mga Pilipinong tahimik na nagtratrabaho subalit malakas ang impact.
Matagumpay na idinaos ang 3rd PSPPI Search for Outstanding Professionals and National Conference on Education 2026 – Gintong Laurel Awards, sa pangunguna ng Pambansang Samahan ng mga Propesyonal at Mananaliksik sa Pilipinas, Inc. (PSPPI, itinatag 2019) sa pamumuno ni Dr. Winnaflor G. Gaspar, na ginanap sa Red Hotel, Cubao, Lungsod Quezon, noong 19 Setyembre 2026 Sabado ng gabi.
Sa temang “Kahusayan. Karangalan. Tagumpay – Honoring Excellence, Inspiring Greatness, and Advancing the Filipino,” pinarangalan ang mahigit 20 propesyonal mula sa iba’t ibang larangan: edukasyon, medisina, negosyo, serbisyo publiko, at sining.

Kabilang sa mga kinilala ngayong taon ay sina Rep. Antonio L. Tinio ng ACT (Alliance of Concerned Teachers) Teachers Partylist, Mayor Victor Ma. Regis “Vico” Nubla Sotto ng Lungsod Pasig, mga kinatawan mula sa National Bookstore (itinatag 1942), Philippine Educational Theater Association (PETA, itinatag 1967), iba’t ibang Schools Division Office (SDO) sa buong Pilipinas, at mga natatanging guro na nagsusulong ng inobasyon sa kabila ng kakulangan sa kagamitan.
Ayon kay Dr. Gaspar: “Ang PSPPI ay hindi lang award-giving body. Samahan ito ng mga mananaliksik na naniniwala na ang propesyonal na Pilipino ay dapat kinikilala hindi lang dahil sa titulo, kundi dahil sa ambag sa komunidad. Ibig naming ibalik ang kahulugan ng pagiging propesyonal – na hindi lang tayo nagtratrabaho upang sumahod, bagkus upang maglingkod.”
Tampok din sa programa ang National Conference on Education kung saan tinalakay ang ‘From Supervision to Transformation: Harnessing Research, Evidence, and Instructional Leadership for Teaching Excellence’; ‘The 90-Day Supervision-to-Transformative Challenge: From Classroom Evidence to Instructional Impact’; at ‘How To Make Your Research Publishable’ – mga paksang napapanahon sa gitna ng pagbabago ng kurikulum.
Sa huling bahagi ng gabi ay sabay-sabay na itinaas ng mga awardee ang kanilang sertipiko, plake, at medalya – simbolo ng gintong pamantayan. May nakakakita. May nagpapahalaga. May nagbibigay ng karangalan,
At tulad ng sinabi sa entablado noong gabing iyon: “Ang tunay na tagumpay ay hindi kapag ikaw ang pinalakpakan, kundi kapag may batang natutong mangarap dahil sa iyo.”
Mabuhay ang PSPPI! Mabuhay ang Propesyonal na Pilipino!
