Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na walang katotohanan ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing bubuwagin na ang Senior High School (SHS) program o ang Grade 11 at 12 simula sa School Year 2026-2027.
Sa inilabas na abiso, binigyang-diin ng kagawaran na ang naturang mga post ay maituturing na “fake news.”
Ayon sa DepEd, ang K-12 program ay itinakda ng batas sa ilalim ng Republic Act No. 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013), kaya’t hindi ito maaaring basta-basta tanggalin nang walang kaukulang amyenda mula sa Kongreso.
Muling pinaalalahanan ng DepEd ang mga magulang, mag-aaral, at publiko na maging maingat at mapanuri sa mga impormasyong nababasa online.
“I-report ang mga maling page at sa official DepEd Philippines account lamang kumuha ng “legit” na balita para hindi ma-stress sa maling akala,” dagdag pa ng DepEd. (Arnold Pajaron Jr)
