Nagluluksa ngayon ang industriya ng musikang Pilipino matapos kumpirmahin ang pagpanaw ni Jimmy Regino, miyembro ng sikat na 90s group na April Boys at kapatid ng OPM icon na si April Boy Regino.
Sa isang madamdaming Facebook video nitong Sabado, Disyembre 27, 2025, ibinahagi ng kanyang kapatid at bandmate na si Vingo Regino ang malungkot na balita.
“Sa lahat po ng fans ng April Boys, ibinabalita ko po sa inyo na pumanaw na po ang kapatid ko na si Jimmy. Hindi na natin maririnig ang boses niya,” ani Vingo habang hindi mapigilan ang pag-iyak.
Ikinuwento rin ni Vingo ang lalim ng kanilang pinagsamahan bilang magkapatid at bilang magkakasama sa musika, at ang bigat ng pagkawala na patuloy niyang dinadala.
“Ang hirap po ng mawalan ka ng minahal mo na kapatid. Yung pinagsamahan po namin naaalala ko hanggang ngayon. Kahapon pa ako umiiyak… hindi ko malaman kung ano ang nararamdaman ko ngayon,” aniya.
Habang nagsasalita, inalala ni Vingo ang isa sa mga paboritong kanta ng grupo at kung paanong ang mga liriko nito ay tila sumasalamin ngayon sa kanyang personal na dalamhati.
“Naalala ko yung kanta naming ‘Ganyan Talaga ang Pag-ibig’… ‘alaala na iniwan mo kapag naisip ko nalulungkot ako,’ totoo yung lyrics na iyon,” saad niya.
Ayon kay Vingo, matagal-tagal ding nanatili sa ospital si Jimmy bago ito tuluyang sumakabilang-buhay. Naniniwala si Vingo na tila hinintay muna ng kanyang kapatid na magkita sila sa huling pagkakataon bago ito namaalam.
“Para bang hinintay na lang niya na magkita kami kahapon… parang hinihintay na lang niya na magkita kami bago siya umalis,” aniya.
Humingi rin siya ng paumanhin sa pagpapakita ng matinding emosyon, sabay diin sa hirap ng pagkawala ng mahal sa buhay.
“Pasensya na po… mahirap po ang mawalan ng mahal mo sa buhay. Isa na namang April Boys ang nawala sa atin,” dagdag ni Vingo.
Nabuo ang April Boys noong 1993 at sumikat sa kanilang mga makabagbag-damdaming awiting OPM. Noong 1995, iniwan ni April Boy Regino, ang panganay sa magkakapatid, ang grupo upang mag-solo, subalit nanatiling aktibo ang April Boys sa mga sumunod na taon.
Kilala ang grupo sa mga kantang “Honey My Love (So Sweet),” “Ikaw Pa Rin Ang Mamahalin,” “Sana Ay Mahalin Mo Rin Ako,” “Tunay Na Pag-ibig,” at “Pag-ibig Kong Litong-Lito,” na naging mga staple ng romantikong OPM.
Ang pagpanaw ni Jimmy ay naganap limang taon matapos pumanaw ang kanilang panganay na kapatid at “Idol ng Masa” na si April Boy Regino noong Nobyembre 2020 sa edad na 59.
Sa ngayon, hindi pa isinasapubliko ng pamilya Regino ang sanhi ng pagkamatay ni Jimmy, gayundin ang mga detalye para sa kanyang burol at libing.
