Isang malaking hamon ang inilunsad ng Supreme Court (SC) para sa mga mahilig sa potograpiya sa buong bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-125 anibersaryo sa darating na 2026.
Sa pamamagitan ng temang “Accessible and Inclusive Justice,” hinihikayat ng SC ang mga propesyonal at mga amateur photographers na kumuha ng mga larawang nagpapakita ng kwento ng pag-asa, pakikibaka, at katatagan ng mga Pilipino sa paghahanap ng katarungan.
Ayon sa SC, ang mga kalahok ay maaaring magpasa ng entry sa kategoryang Digital o Film. Ang mapipiling mga larawan ay itatampok sa isang special exhibit, at ang mga mananalo ay makakatanggap ng cash prizes na aabot sa P125,000 sa isang nakatakdang awards ceremony.
Paalala ng Hukuman, ang mga larawang ipapasa ay dapat kuha simula sa Enero 1, 2026, at ang huling araw ng submission ay sa Marso 31, 2026, habang ang buong contest mechanics ay nakatakdang ilabas sa lalong madaling panahon
Ang makasaysayang milestone na ito ay pagkilala sa mahabang panahon ng paninindigan ng bansa sa hustisya at rule of law. (MINA PADERNA)
