INABSWELTO ng Sandiganbayan 3rd Division si dating Senate President Juan Ponce Enrile at negosyanteng Janet Lim-Napoles sa 15 kaso ng graft kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.
Ayon sa ulat ng Agila ng Bayan, kasama ring nalinis sa kaso ang dating chief-of-staff ni Enrile na si Gigi Reyes at mahigit 40 pang akusado sa desisyong inilabas ng korte nitong Biyernes, Oktubre 24.
Ang kaso ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), o mas kilala bilang pork barrel, isang lump-sum discretionary fund na ibinibigay sa mga mambabatas para sa mga proyektong pangkaunlaran.
Sa modus umano, inililipat ng mga mambabatas ang kanilang PDAF sa mga ahensiyang nagpapatupad ng proyekto, na siya namang naglilipat ng pondo sa mga pekeng NGO ni Napoles.
Noong 2014, isinampa ng Office of the Ombudsman ang mga kasong plunder laban kina Enrile, Reyes, at Napoles, na sinasabing utak ng scam.
Inakusahan noon si Enrile ng pagkamal ng P172 milyon mula sa kanyang PDAF sa pagitan ng 2004 hanggang 2010, sa pamamagitan umano ni Reyes.
Matatandaang noong 2018, hinatulan ng Sandiganbayan si Napoles ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa kasong plunder na may kinalaman sa pork barrel ni Sen. Bong Revilla.
Bukod dito, may iba pa siyang sentensiya sa iba’t ibang kaso ng bribery at malversation.
Gayunman, nitong Hulyo, naabsuwelto si Napoles sa kasong graft kaugnay ng maling paggamit ng P15 milyong PDAF ng isa pang mambabatas.
Sumunod na buwan, siya naman ay hinatulan ng hanggang 55 taong pagkakakulong dahil sa maling paggamit ng P7.55 milyong pondo mula sa pork barrel ni Davao del Sur Vice Gov. Marc Douglas Cagas IV.
Samantala, si Senador Jinggoy Estrada, na kabilang din sa mga kinasuhan, ay una ring inabsuwelto ng Sandiganbayan sa kasong plunder noong Enero.
Bagama’t una siyang nahatulan sa tatlong bilang ng bribery, binawi rin ng korte ang desisyon noong Agosto, matapos aprubahan ang kanyang motion for reconsideration.
Sa kabila ng desisyong ito, nananatiling malawak ang interes ng publiko sa kung paano haharapin ng gobyerno ang mga natitirang kaso kaugnay ng pork barrel scam, isa sa pinakamalaking isyung korapsyon sa kasaysayan ng bansa.
