ISANG mainit na komprotansyon ang naganap sa post-screening Q&A ng pelikulang Quezon, huling bahagi ng huling bahagi ng “Bayaniverse Trilogy” ng TBA Studios, matapos harapin ni Enrique “Ricky” Quezon Avanceña, apo ng dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang mga gumawa ng pelikula dahil umano sa “maling at bastos” na paglalarawan sa kanyang lolo.
Nagpahayag ng galit si Avanceña sa harap nina Director Jerrold Tarog at aktor na si Jericho Rosales, na gumanap bilang yumaong pangulo, sa screening na ginanap sa Rockwell Power Plant Cinema sa Makati nitong Oktubre 23. Agad namang kumalat sa social media ang mga video ng insidente.
Ayon kay Avanceña, mali at mapanira umano ang pagkakalarawan kay Quezon sa pelikula, na inilatag bilang isang “visionary leader” ngunit may kahinaan at pulitikal na komplikasyon. Para sa kanya, ito ay isang “distortion” ng alaala at dangal ng kanyang lolo.
Sa gitna ng Q&A, diretsong tinanong ni Avanceña si Tarog kung layuning gawing “satire” ang pelikula. Aniya, “So nagbibiro ka lang pala?”
Sagot ni Tarog, seryoso raw ang pelikula ngunit ginamitan ng halong humor. “We will leave that to the audience to decide,” tugon ng direktor.
Hindi nasiyahan si Avanceña at idinagdag:
“Na sinira niyo ang alaala ng aking lolo. That you did not do him well… If you will say it was a satire and you admit it is.”
Dito ay tumugon ng maikli si Tarog: “Yes.”
Agad bumaling si Avanceña sa mga manonood at sinabing:
“So ‘wag nating pagpapaniwalaan. Joke pala ito. It’s a joke. It is satire.”
Sinubukan naman ni Rosales na pakalmahin ang sitwasyon:
“With all due respect, sir, I understand the feelings, but this is a Q&A for everyone. We are giving everyone a chance because everyone paid.”
Ngunit tumindi pa ang tensyon nang sabihan niya si Avanceña na may “space and time” para pag-usapan ito, bagay na ikinainit ng ulo ng apo.
“Jericho, ‘wag mo akong ganyanin ah. Umupo ka, patapusin mo’ko. One minute, I’m done,” giit ni Avanceña.
Ibinunyag din niyang tatlong beses na niyang pinanood ang pelikula at nadismaya sa mga negatibong reaksyon sa social media.
“So what you have opened, Mr. Tarog, is a Pandora’s box,” aniya.
Sa dulo ng emosyonal na tirada, pinagbintangan ni Avanceña ang mga gumawa ng pelikula na inuuna ang pera at kasikatan kaysa sa kasaysayan at dangal.
“Gusto niyong kumita ng pera, gusto niyong sumikat. Sinira niyo ang alaala ng isang pamilyang nagbuwis ng buhay,” wika niya bago ihagis ang mikropono at magmura.

Matapos ang insidente, naglabas ng mahabang post si Avanceña sa Facebook madaling-araw ng Oktubre 24.
Ipinahayag niya ang pagkadismaya sa umano’y pagharang sa kanya habang nagsasalita, at sinabi na karapatan niyang magpahayag dahil siya ay “direct descendant” ng dating pangulo.
“Nilalako nila ang pambababoy sa alaala ng mga taong patay, at di nila ako hahayaan na ipagtanggol sila?” aniya sa post.
Bagaman hindi niya hinihikayat na huwag panoorin ang pelikula, nanawagan siya sa mga tagasuporta ni Quezon na sumama sa kanya sa “social media defense” para ipagtanggol ang pangalan ng dating pangulo.
“Watch it, and then join me in a social media defense… He was a president, and the best ever, most incorruptible,” ani Avanceña.
Ang pelikulang Quezon ay directed by Jerrold Tarog, at bahagi ng Bayaniverse Trilogy kasama ang Heneral Luna (2015) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018).
