TINIYAK ni Police Colonel Feloteo A. Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office (PPO), ang kahandaan ng kanilang hanay para sa masinsinang pagpapatupad ng seguridad at kaayusan sa paggunita ng Undas 2025 sa buong lalawigan.
Ayon kay PCol. Gonzalgo, layunin ng kanilang operasyon na matiyak ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagdalaw ng publiko sa mga sementeryo sa Rizal mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, 2025.
Batay sa datos ng Rizal PPO, may kabuuang 83 sementeryo sa lalawigan kung saan 36 pampubliko at 47 pribado, bukod pa sa 7 columbarium. Tinatayang aabot sa 405,000 katao ang bibisita sa mga ito sa panahon ng Undas.
Upang mapanatili ang seguridad, mahigit 2,340 pulis at force multipliers ang ide-deploy sa iba’t ibang lugar tulad ng mga sementeryo, terminal, pangunahing kalsada, at iba pang matataong lugar.
Pinakamaraming tauhan ang itatalaga sa Antipolo (369), Taytay (315), Rodriguez (235), San Mateo (202), at Angono (182), mga bayan na inaasahang dadagsain ng mga bisita.
Sa ilalim ng Operational Guidelines ng “Ligtas Undas 2025,” maglalagay ang Rizal PPO ng 84 Police Assistance Desks (PADs) sa mga sementeryo, bukod sa Quick Reaction Teams na handang rumesponde sa anumang emergency.
Hinimok ni PCol. Gonzalgo ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga itinakdang alituntunin.
Ipinagbabawal ang pagdadala ng alak, baril, sugal, at malalakas na kagamitan sa tunog sa loob ng sementeryo. Pinayuhan din niya ang mga residente na siguraduhin ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan bago umalis.
Kasabay nito, nagpaalala rin si PCol. Gonzalgo sa publiko na siguraduhing ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis.
“Bahagi ng ating paghahanda ang paalala sa ating mga kababayan, bago umalis, siguraduhin na naka-lock ang mga bahay at ligtas sa magnanakaw. Marami rin kasi ang nagbabakasyon o bumibisita sa mga tourist destinations ngayong Undas,” sabi ng opisyal.
Dagdag pa ni Gonzalgo, babantayan din ng Rizal PPO ang mga pasyalan at iba pang convergence areas upang mapanatili ang seguridad habang abala ang publiko sa paggunita ng Undas o magbakasyon.
“Habang ang iba ay bumibisita sa sementeryo, ang iba naman ay bumibiyahe o nagpupunta sa mga pasyalan. Lahat ’yan ay imo-monitor ng ating mga kapulisan para matiyak ang kaligtasan ng lahat,” pagtatapos ni PCol. Gonzalgo.
“Alerto at handa ang ating mga kapulisan upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan ng ating mga kababayan habang ginugunita nila ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng opisyal, sa ilalim ng kampanya ng “Rizal PPO: Aksyon Mabilis!” (ARNOLD PAJARON JR)
