
Mula sa likod ng camera patungo sa spotlight—ito ang kwento ng stunt choreographer at action director na si Lance Pimentel, na ngayon ay gumagawa ng sariling pangalan bilang aktor sa bagong Netflix series na Incognito, kung saan ginagampanan niya ang karakter ni Kenji Lee.
Bagamat limitado pa ang karanasan sa pag-arte, hindi nagpahuli si Lance sa piling ng powerhouse cast na kinabibilangan nina Daniel Padilla, Maris Racal, Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, at marami pang iba. Bukod sa pagganap, si Lance din ang nagsanay sa cast pagdating sa mga mabibigat na action scenes ng serye.
“Marami akong natutunan kahit off-cam. Yung mga blocking at acting tips, tinulungan din ako nina Tita Malou [De Guzman] at lalo na si Tito Ian [Veneracion],” ani Lance. “Talagang inaral ko ang mga linya ko, nirehearse ko nang paulit-ulit.”
Hindi na bago sa mundo ng aksyon si Lance. Sa murang edad, nagsimula na siya sa wushu training sa gabay ng kanyang ama, ang kilalang action director na si Direk Lester Pimentel Ong. Naging bahagi siya ng Philippine National Junior Wushu Team, at kinalaunan ay lumawak ang kanyang kaalaman sa MMA, boxing, at Muay Thai.
Ang unang onscreen fight scene ni Lance ay sa TV series na Lastikman—taong 10 gulang pa lang siya noon. Mula roon, sunod-sunod na ang mga proyekto niya sa TV at pelikula, kabilang ang La Luna Sangre, Bagani, One Good Day, at The Iron Heart, kung saan siya rin ang tumayong action choreographer.
Sunod sa Incognito, aabangan din si Lance sa paparating na Netflix movie na The Delivery Rider, na pinagbibidahan ni Baron Geisler. Dito, muli niyang ipinamalas ang galing bilang stunt choreographer at action director, bukod pa sa kanyang sariling fight scene.
Hindi lang sa showbiz aktibo si Lance. Siya rin ang Chief Technology Officer ng Binondo Food Group, na nasa likod ng mga kilalang food brands tulad ng Dean & Deluca, Rice in a Box, Kyukyu Ramen, at Wangfu. Nag-aral siya ng Business Technology Management sa University of British Columbia, Canada, bago bumalik sa Pilipinas upang tumulong sa negosyo ng pamilya.
Bukod sa aksyon at negosyo, mahilig din si Lance sa pickleball, video editing, at musika. Pangarap niyang magdirek ng mga proyektong pinagsasama ang kanyang hilig sa storytelling at aksyon—isang kakaibang kombinasyon ng talento at bisyon.
“Gusto kong patunayan na kaya rin ng Pilipinas gumawa ng action content na pang-world-class,” saad ni Lance. “Hindi lang tayo basta gumagawa ng stunts—gumagawa tayo ng kwento, ng kalidad, at ng kulturang Pilipino na pwedeng ipagmalaki sa buong mundo.”