

Tahimik pero pursigido. Ganito ang kasalukuyang hakbang ni Kevin Quiambao habang abala siya sa kanyang training sa Amerika, patungo sa kanyang pangarap na makapasok sa NBA.
Matapos dumating sa Sacramento noong Hulyo 3, agad nagbabad sa gym ang 24-anyos na forward para sa mga scrimmage na nilahukan ng mga NCAA standouts mula sa US, mga manlalaro sa G-League, at iba pang international prospects na umaasang mapansin para sa NBA Summer League.
Bagama’t naging usap-usapan online ang kanyang biyahe, nilinaw na wala pang opisyal na alok kay Quiambao para makasama sa Summer League na gaganapin mula Hulyo 10 hanggang 20 sa Las Vegas, Nevada.
Sa isang video na ibinahagi niya, makikita si Quiambao na naglalaro sa isang tune-up game na pinangunahan ni kilalang trainer at agent na Guss Armstead—isang indikasyon ng kanyang seryosong preparasyon.
Kasalukuyang naka-break si Quiambao mula sa kanyang koponan sa Korean Basketball League (KBL), ang Goyang Sono Skygunners, kung saan nagtala siya ng impressive rookie stats: 16.9 puntos, 6.3 rebounds, 3.9 assists, at 1.3 steals sa loob ng 23 laro.
Hindi man maingay ang kanyang kampanya, malinaw ang layunin ni Quiambao—makita, mapansin, at makamit ang pangarap na makatungtong sa NBA. (RON TOLENTINO)