
Hinikayat ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, kilala rin bilang “Totoy”, na magsampa ng complaint affidavit kaugnay ng umano’y pagkakasangkot ng ilang pulis sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“Sa NAPOLCOM niyo i-file [affidavit] kasi mas mabilis nang tatlong beses kapag finile mo sa NAPOLCOM, kasi hindi siya on-appeal,” pahayag ni NAPOLCOM Vice Chairperson Atty. Rafael Calinisan sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Sabado.
Ayon sa NAPOLCOM, hawak na nila ang listahan ng mga pulis na dawit sa kaso. Ang mga ito ay ipatatawag upang harapin ang administrative investigation ng komisyon.
“Kailangan lang talaga magsimula ang NAPOLCOM, kasi nga kami ang pulis ng mga pulis. Hindi puwedeng hindi kami mag-imbestiga,” dagdag ni Calinisan.
Ipinunto rin ng opisyal na maingat ang komisyon sa paghawak ng impormasyon at ebidensya, dahil sa administrative aspect ng kaso na sa bandang huli ay NAPOLCOM din ang magpapasya.
“Very careful din tayo… kasi eventually kahit saan pa i-file na lugar, aakyat at aakyat ‘yung kasong ‘yan sa NAPOLCOM,” aniya.
Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na 15 pulis na umano’y sangkot sa mga summary execution kaugnay ng nawawalang sabungeros ay inilagay na sa restricted duty habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon.
Patuloy na umaapela ang mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya, habang hinihintay ang pagsampa ng pormal na reklamo ni “Totoy” upang mas mapalalim pa ang isinasagawang imbestigasyon.