
The Hague, Netherlands — Halos apat na buwan matapos makulong sa International Criminal Court (ICC), makikitang labis nang pumayat at mahina na ang katawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa dating asawang si Elizabeth Zimmerman.
Sa isang Facebook post noong Sabado, Hulyo 5, ibinahagi ng dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque ang salaysay ni Zimmerman matapos nitong dalawin si Duterte sa detention facility ng ICC.
“Okay naman siya, pero sobrang payat. Skin and bones, talaga,” ani Zimmerman, ayon sa pagkukuwento ni Roque.
Si Duterte, 79 anyos, ay nasa kustodiya ng ICC habang humaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng libo-libong napatay sa ilalim ng kanyang madugong giyera kontra droga noong siya pa ang pangulo ng bansa.
Ayon kay Zimmerman, bagama’t hindi umiinom ng maintenance medication, ay mahina na maglakad si Duterte at halatang tumatanda na ang kilos.
“Healthy naman siya, pero bilang matanda, mabagal na talaga kumilos,” dagdag ni Zimmerman.
Sa araw-araw, nanonood lang umano ng telebisyon si Duterte sa loob ng kanyang selda. Napansin din umano nito na umiinit na ang klima sa Netherlands, na dati’y kilala sa malamig na panahon.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, nananatili umano sa positibong pananaw si Duterte. May paabot pa siyang mensahe sa kanyang mga tagasuporta: “Umuwi na kayo. Salamat sa suporta. Okay lang ako.”