
Tatlong lalaki ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Taytay Municipal Police Station (MPS) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dakong ala-1:00 ng madaling-araw nitong Sabado, Hulyo 5 sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Mark, na tinukoy bilang High Value Individual (HVI), at sina alyas John at alyas Aries, na pawang nasa Street Level Individual (SLI) classification.
Ayon sa pulisya, nakuha sa mga suspek ang tinatayang 150 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na aabot sa P1,020,000.00. Narekober din ang marked money na P1,000, dalawang P500 bill, isang cellphone, isang weighing scale, isang belt bag, isang kalibre .22 na revolver, dalawang bala, at isang holster.
Isinailalim sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms and Ammunition ang tatlong suspek.
Patuloy ang imbestigasyon at inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanila.