
Isang 25-anyos na lalaki ang inaresto ng pulisya matapos mapatay ang kanyang kainuman sa Sitio San Valentin, Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal kagabi, Hunyo 5, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas Marvin, isang driver at residente ng Sitio San Valentin, samantalang ang biktima ay si Jhay Sebastian y Arabit, 36-anyos, isang garbage collector at kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station (MPS), bandang alas-10:10 ng gabi ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa habang nag-iinuman, na nauwi sa bugbugan. Malubhang nasaktan si Sebastian at agad na dinala sa Margarito Duavit Memorial Hospital, subalit idineklarang dead on arrival ni Dr. Robert V. Secillano.
Humiling ng autopsy examination ang kamag-anak ng biktima upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Naaresto na ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong Homicide dahil sa nasabing insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.