
Arestado ang isang 41-anyos na lalaki matapos pagbantaan ang kanyang biyenan na babae gamit ang isang improvised na baril (sumpak), pati na rin ang paglabag sa iba’t ibang batas ukol sa ilegal na armas at mapanganib na gamit sa Barangay San Luis, Antipolo City nitong Hulyo 5, 2025.
Kinilala ng Antipolo City Component Police Station ang suspek na si alyas Jonathan, walang trabaho, may live-in partner, at residente ng Block 18, Lot 1, Phase 1, Sambaville, Barangay San Luis. Siya ay nahaharap ngayon sa mga kasong Grave Threat, Alarm and Scandal, Paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition), at Batas Pambansa Blg. 6 (Illegal Possession of Bladed Weapon).
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-10:30 ng gabi, nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng bahay ng complainant nang marinig niya ang pagtatalo ng kanyang anak at manugang. Nang kanyang lapitan upang awatin, bigla siyang sinigawan ng suspek ng “Putang ina mo. Papatayin kita, lumapit ka dito!” sabay tutok ng isang sumpak sa kanyang direksyon.
Agad na rumesponde ang isang saksi at naagaw ang sumpak mula sa kamay ng suspek. Gayunman, nagpatuloy pa rin umano sa pagiging bayolente ang lalaki. Dahil dito, humingi ng tulong ang mga kaanak sa barangay, na nagresulta sa agarang pag-aresto sa suspek ng mga barangay tanod.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang improvised firearm (sumpak), dalawang bala ng shotgun, at isang patalim.
Bandang ala-1:30 ng madaling-araw ng Hulyo 6, itinurn-over ng mga barangay tanod ang suspek sa PCP2 ng Antipolo CCPS para sa karampatang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Sinubukang ayusin ang alitan sa pamamagitan ng barangay mediation, subalit nabigo ang magkabilang panig na magkaayos, dahilan upang ituloy ng complainant ang pormal na reklamo.
Kasalukuyang nakakulong si Jonathan sa Antipolo City Custodial Facility habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Office of the City Prosecutor.