
Muli na namang ginigiba si Senadora Risa Hontiveros — hindi sa korte, kundi sa YouTube videos, fake news pages, at troll networks.
Isang taong dati’y nagsilbing testigo laban kay Pastor Apollo Quiboloy ang biglang bumaligtad, sabay akusang ginamit siya ng senadora para lamang siraan ang mga kaalyado ng nakaraang administrasyon. Pero ang tanong: ganoon na lang ba kadaling burahin ang katotohanan sa harap ng isang scripted na video?
Hindi perpekto si Hontiveros, gaya ng lahat ng opisyal ng gobyerno. Ngunit kung may isang bagay na hindi matatawaran sa kanya, ito ang kanyang matatag na paninindigan — laban sa human trafficking, laban sa pang-aabuso, at laban sa mga makapangyarihang gumagamit ng relihiyon, posisyon, o pondo para yurakan ang karapatan ng mahihina.
Ang biglaang paglitaw ng video ni Michael Maurilio, na sabay-sabay namang pinakalat ng mga kilalang pro-Duterte accounts at vloggers, ay hindi aksidente. Coordinated. Scripted. Malinaw ang layunin: siraan ang oposisyon at ilihis ang atensyon mula sa mga kasong dapat harapin ng mga nasa poder noon.
Kapansin-pansin ang timing, ang pagpapalakas ng pekeng salaysay, at ang paggamit ng mga pekeng social media accounts na ang tanging layunin ay gumawa ng ingay kahit walang ebidensya. Ganito ba kababa ang tingin nila sa taumbayan?
Hindi ito simpleng intriga sa pulitika. Isa itong pag-atake sa katotohanan. Kapag hinayaan nating manaig ang ganitong klase ng disinformation, sinasanay nating ang ating lipunan na tanggapin ang kasinungalingan basta’t maganda ang pagkaka-edit ng video. Kapag pinayagan nating magtagumpay ang ganitong mga taktika, sinasabi nating ayos lang sirain ang pangalan ng sinumang sumubok tumayo sa harap ng mapanupil na kapangyarihan.
At kung mananahimik tayo, baka isang araw, hindi na lang si Risa Hontiveros ang puntirya. Tayong lahat na naglalakas-loob magsalita ay susunod na sa listahan.
Hindi ito tungkol sa pagiging “pinklawan” o “Dutertard”. Ito’y tungkol sa pagpili kung saan tayo papanig — sa orchestrated na paninira o sa mga taong may tapang humarap sa abuso kahit mag-isa.
Kaya sa panahong binabaluktot ang katotohanan, ang manahimik ay pagtalikod sa prinsipyo.
At sa huli, kapag ang katotohanan ang pinapatay, lahat tayo ang talo.