
Lumakas bilang ganap na bagyo ang dating Severe Tropical Storm na si Bising (international name: Danas) habang nananatili ito sa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Sa advisory ng PAGASA dakong alas-11 ng umaga, sinabi ng ahensya na taglay na ni Bising ang lakas ng hangin na 120 km/h malapit sa gitna at bugso na aabot sa 150 km/h. Huling namataan ang bagyo 385 kilometro kanluran hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, at kumikilos pa-hilagang-silangan sa bilis na 10 km/h.
Bagamat nasa labas pa ng PAR, nakakaranas pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Batanes at Babuyan Islands dahil sa trough o buntot ng bagyo.
Naglabas ng panibagong gale warning ang PAGASA para sa northern seaboard ng Northern Luzon, partikular sa Batanes. Narito ang inaasahang kundisyon ng karagatan sa susunod na 24 oras:
- Napakagulong karagatan (delikado sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat):
- Baybaying-dagat ng Batanes at kanlurang bahagi ng Babuyan Islands – hanggang 4.5 metrong alon
- Magulong karagatan (delikado sa maliliit na sasakyang pandagat):
- Kanlurang bahagi ng Ilocos Norte – hanggang 3.5 metrong alon
- Katamtamang karagatan (mag-ingat ang maliliit na bangka):
- Hilagang-kanlurang baybayin ng Ilocos Sur at iba pang baybaying bahagi ng Ilocos Norte – hanggang 2.5 metrong alon
- Kanlurang bahagi ng La Union, Pangasinan, at Zambales – hanggang 2 metrong alon
Umalis ng PAR si Bising bandang tanghali noong Hulyo 4, ngunit muling kumurba pabalik noong Hulyo 5. Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok muli sa PAR si Bising sa pagitan ng gabi ng Hulyo 6 o madaling-araw ng Hulyo 7, malapit sa hilagang-kanlurang bahagi ng Taiwan, ngunit inaasahang lalabas rin agad.
Posibleng mas lumakas pa si Bising sa susunod na 24 oras, subalit inaasahang hihina na ito sa East China Sea at maaaring maging remnant low pagsapit ng Hulyo 10 dahil sa pakikipag-ugnayan sa landmass ng China.
Ito ang ikalawang bagyong pumasok sa bansa ngayong 2025 at una para sa buwan ng Hulyo. Tinatayang 11 hanggang 19 tropical cyclones ang posibleng pumasok o mabuo sa loob ng PAR sa ikalawang kalahati ng taon.
Samantala, naglabas din ng advisory ang PAGASA kaugnay sa epekto ng southwest monsoon (habagat) na pinalalakas ng Bagyong Bising.
Hulyo 6 (Linggo) hanggang Hulyo 7 (Lunes):
- Katamtaman hanggang malalakas na ulan (50-100 mm):
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Pangasinan
- Zambales
- Bataan
Hulyo 7 (Lunes) hanggang Hulyo 8 (Martes):
- Katamtaman hanggang malalakas na ulan (50-100 mm):
- Ilocos Norte
- Pangasinan
- Zambales
- Bataan
Pinag-iingat ang publiko sa mga lugar na ito laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nagdadala rin ng kalat-kalat na ulan at thunderstorms ang habagat sa mga sumusunod na lugar:
- Metro Manila
- Calabarzon
- Mimaropa
- Cordillera Administrative Region
- Cagayan Valley at Central Luzon
- Western Visayas at Negros Island Region
- Zamboanga Peninsula at BARMM
Ang natitirang bahagi ng bansa ay maaaring makaranas ng pansamantalang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ngayong araw.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling nakaantabay sa mga susunod na bulletin ng PAGASA at sundin ang mga paalala ukol sa bagyo at habagat.