
Hindi nakasungkit ng medalya ang Alas Pilipinas matapos matalo sa Chinese Taipei, 25-17, 26-24, 25-22, sa laban para sa bronze medal ng 2025 VTV International Women’s Volleyball Cup nitong Sabado ng gabi, Hulyo 5, sa Vinh Phuc Gymnasium.
Matapos ang matinding pagkakalamang ng Taiwan sa unang set, sinubukang bumawi ng Filipina spikers sa sumunod na mga set ngunit bigo silang mapigil ang walang humpay na opensiba ng kalaban. Sa ikatlong set, muntik pang ma-extend ng Nationals ang laro, ngunit isang matagumpay na challenge mula sa Chinese Taipei sa block touch ni MJ Phillips ang nagbigay sa kanila ng 23-22 bentahe — isang sandaling nagbago ng momentum at tuluyang nagtulak sa panalo ng Taiwanese squad.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpakita ng malaking improvement ang koponan ng Pilipinas matapos iangat ang kanilang standing mula sa 8th place finish noong nakaraang edisyon kung saan ang National University Lady Bulldogs ang kumatawan sa bansa.
Pinangunahan nina Jia De Guzman at Tia Andaya ang playmaking ng koponan sa buong laban, ngunit hindi naulit ang limang-set na tagumpay ng Pilipinas kontra Chinese Taipei sa AVC Cup semifinals noong nakaraang buwan.
Nagsimula ang kampanya ng Pilipinas sa isang straight-set loss sa host team na Vietnam: 20-25, 21-25, 21-25
Bumawi sa sunod na laban kontra Sichuan ng China: 25-12, 25-22, 19-25, 25-15
Nagpatuloy ang momentum laban sa Australia: 25-13, 25-15, 25-20 Pinadapa ang Thailand U21 squad na Est Cola sa quarterfinals:
25-17, 25-21, 25-21
Nabigo sa semifinals kontra defending champion Korabelka: 16-25, 27-25, 17-25, 22-25
Sa kabilang banda, muling kinoronahan ang Russia-based club na Korabelka bilang kampeon ng VTV Cup matapos talunin ang host team Vietnam sa limang set: 25-19, 25-14, 23-25, 21-25, 20-18.
Namuno si Elizaveta Nesterova sa panalo ng Korabelka at nakipagpalitan ng malalakas na atake kay Nguyễn Thị Bích Tuyền sa huling set, ngunit sa huli’y nanaig ang defending champions at napatahimik ang libo-libong Vietnamese fans na dumagsa sa venue.
Bagamat bigo sa medalya, pinatunayan ng Alas Pilipinas na sila ay patuloy na umaangat sa internasyonal na kompetisyon — isang pag-asa para sa mas matibay na kampanya sa mga darating na torneo. (RON TOLENTINO)