Sa gitna ng lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa, naglabas ng pastoral letter si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na nag-aatas sa lahat ng parokya, simbahan, at kapilya sa ilalim ng Archdiocese of Manila na isama sa misa ang Oratio Imperata for Integrity, Truth, and Justice simula Oktubre 4, kapistahan ni San Francisco ng Assisi.
Tinukoy ni Advincula na ang sistematikong katiwalian ay hindi lamang usaping politikal o pang-ekonomiya, kundi isang “malalim na krisis moral at espirituwal” na sumisira sa dangal ng tao at sa kabutihang panlahat.
“The magnitude of corruption in our country is more and more appalling… It has caused untold damage to our institutions, to our people, and to the very fabric of our moral and social life,” saad ng Kardinal.
Ayon sa pamunuan ng RCAM, ang pagdarasal ng Oratio Imperata ay ipinaiiral lamang sa mga “pinakamabigat na pagkakataon,” bilang pagpapakita ng bigat at agarang pangangailangan na harapin ang krisis.
Bukod dito, iniutos din ni Advincula ang pagpapatunog ng mga kampana tuwing alas-8 ng gabi bilang simbolo ng pagtutol sa katiwalian.
“This shall be both a prophetic cry of indignation and outrage against the evil of corruption, as well as a resounding call to contrition and conversion,” pahayag niya.
Ang hakbang ng simbahan ay kasunod ng mga kilos-protesta noong Setyembre 21 kung saan libo-libo ang lumahok sa Maynila at iba pang pangunahing lungsod upang hilingin ang pananagutan at transparency sa mga proyektong pinagdududahan ang integridad.
Umaasa si Advincula na magsasama ang panalangin at pagkilos upang labanan ang katiwalian:
“Let us stand united in prayer and action, so that truth, integrity, and justice may prevail over dishonesty, corruption, and self-interest. With confidence, we entrust our nation to the Lord who is just and merciful,” wika ng Kardinal.
Ang utos ay mananatiling ipatutupad sa buong Archdiocese of Manila hanggang sa ito’y bawiin.
