Lumabas muli ang pangalan ng mag-asawang kontrobersyal na kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya, na dati nang iniuugnay sa maanomalyang flood control projects. Ngayon, nasasangkot naman sila sa isang “walk-away” o di-natapos na health center facility ng Department of Health (DOH).
Nadiskubre ang bagong isyu sa gitna ng deliberasyon sa 2026 budget ng DOH nitong Miyerkules, Oktubre 1. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, humigit-kumulang 30% ng health facilities ang delayed o may mga kanseladong kontrata.
Aniya, matapos ilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto ang listahan ng mga nangungunang flood control contractors, inatasan niya ang mga regional director ng DOH na beripikahin kung may proyekto rin ang mga ito sa sektor ng kalusugan.
“Sinabi ko sa mga regional director, meron ba tayong ginagawa ng mga yan? At ‘yun nga ang nadiskubre ko — may isa,” ani Herbosa.
Nang tanungin ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros kung aling contractor mula sa listahan ng Pangulo ang sangkot, diretsahang tugon ni Herbosa:
“Discaya, Ma’am… St. Timothy Construction Corporation.”
Dagdag pa ni Hontiveros: “So this group, these people are all over the place. Very well noted.”
Itinaas naman ni Herbosa ang posibilidad ng sabwatan ng ilang DOH regional directors at kontratista, matapos mabayaran ang ilang proyektong hindi naman natapos.
“Kung ang engineer na nag-inspect ay binigyan ng clearance kahit hindi kumpleto, mapapabayaran ang proyekto. ‘Yun ang dapat imbestigahan — bakit nabayaran kung hindi naman completed?” paliwanag niya.
Ibinunyag naman ni Senate finance committee chair Sherwin Gatchalian na base sa ulat noong 2024, nasa P11 bilyong halaga ng 123 kontrata ng gobyerno ang hindi natapos sa oras.
“Ibig sabihin, P11 bilyon ginastos pero hindi tapos ang projects,” diin ni Gatchalian, na nagsabing ilan dito ay konektado rin sa mga Discaya.
Ang mag-asawang Discaya ay dati nang iniimbestigahan ng Senado dahil sa mga maanomalyang flood control projects. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng sariling pagsisiyasat ang Independent Committee on Infrastructure.
Humingi ng pahayag ang media sa kampo ng mga Discaya sa pamamagitan ng kanilang abogado, ngunit wala pang tugon hanggang sa oras na ito.
