Bahagyang nakahinga nang maluwag ang bansa matapos humina at maging isang Tropical Depression na lamang ang Bagyong Caloy (international name: Hagupit) ngayong Linggo ng umaga, Mayo 10.
Ayon sa 11:00 AM cyclone bulletin ng PAGASA, bumaba ang taglay na lakas ng hangin ni Caloy mula sa dating 65 kph patungo sa 55 kilometers per hour (kph), habang ang pagbugso nito ay nasa 70 kph.
Huling namataan ang sentro ng Bagyong Caloy sa layong 770 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte. Kasalukuyan itong kumikilos nang pahilaga-kanluran (northwest) sa bilis na 10 kph.
Inaasahan ng state weather bureau na patuloy pang hihina ang bagyo sa mga susunod na oras.
Ayon sa forecast ng PAGASA, posibleng maging isang Low Pressure Area (LPA) na lamang si Caloy sa darating na Lunes.
Bagama’t humina, patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang publiko, partikular na ang mga nasa silangang bahagi ng bansa, na manatiling mapagmatyag sa mga posibleng pag-ulan at mag-abang sa susunod na weather updates. (Limuel Tolentino)
