Bagsak sa selda ang apat na indibidwal, kabilang ang isang nagpanggap na doktor, matapos ireklamo ng ilegal na pagpapraktis ng medisina at pang-iiskam sa siyam na biktima sa bayang ito.
Sa huling ulat mula sa Quezon Police nitong Biyernes, kinilala ang pangunahing suspek na si alyas “Jhon,” 29-anyos, na isa umanong physical therapist.
Nadakip si Jhon kasama ang tatlong kasabwat sa isang operasyon sa Barangay Bukal Sur nitong Huwebes, Mayo 7.
Base sa pahayag ng mga biktima, nagpanggap si Jhon bilang isang lehitimong medical practitioner at nagsagawa pa ng operasyon ng tuli sa apat na batang lalaki.
Bukod sa ilegal na panggagamot, ginamit din umano ng suspek ang pangalan ng pekeng organisasyon na “Quezon 1 Physical Therapy Charity Program” kung saan nagpakilala siyang pangulo nito.
Habang isinasagawa ang panggagamot, ang tatlong kasama ni Jhon ay nagsilbing mga assistant at nangolekta ng pera mula sa lima pang biktima.
Umabot sa kabuuang P108,880 ang halagang natangay ng mga suspek sa iba’t ibang pagkakataon.
Nabulgar ang modus nang makumpirma ng mga biktima na hindi tunay na doktor ang suspek at peke ang programang sinalihan.
Agad na humingi ng saklolo ang mga biktima sa kapulisan na nagresulta sa pagkakadakip sa mga salarin.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Candelaria Municipal Police Station ang apat na suspek. Nahaharap sila sa patong-patong na kasong kriminal, kabilang ang paglabag sa Medical Act of 1959 (Illegal Practice of Medicine) at Swindling (Estafa).
