Nanindigan si Senador Robin Padilla na hindi siya titigil sa pagtatanggol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte hangga’t hindi pormal na nagtitipon ang Senado bilang isang impeachment court.
Sa isang panayam sa DWIZ nitong Sabado, iginiit ni Padilla na malaya pa ang mga senador na magpahayag ng kanilang mga political positions habang sila ay gumaganap pa bilang mga mambabatas o legislators.
“Habang hindi pa tayo nagtitipon (bilang hukuman), karapatan ko na depensahan si Digong bilang miyembro ng PDP-Laban. Gagawin ko ang lahat para depensahan si Digong at si Inday,” ani Padilla.
Gayunpaman, nilinaw ng senador na magbabago ang kanyang papel kapag pormal nang umusad ang paglilitis sa impeachment case ng Bise Presidente sa Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Padilla, oras na isuot na nila ang “sumbrero ng isang judge,” huhubarin na niya ang pagiging alyado ng mga Duterte upang maging patas sa pagdinig.
“Kapag dumating ang oras na binigyan na ako ng hat bilang judge, hindi na ako papanig. Makikinig na tayo sa ebidensya. Malinaw iyan sa Konstitusyon,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Padilla na ang papel ng minority bloc sa Senado ay magsilbing “watchdog” o tagapagbantay upang masigurong walang pagkakamali sa proseso. Inihalintulad niya ito sa isang aso na “tatahol” kapag may nakikitang mali sa ginagawa ng mayorya.
Sa kabila ng ingay ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan, inamin ni Padilla na hindi sila kumbinsido sa minority bloc na makararating ang reklamo sa Senado. Ito rin ang dahilan kung bakit wala pa silang pormal na pagpupulong o plano hinggil dito.
Matatandaang hinihintay pa ang plenary action sa Kamara de Representantes para sa nasabing reklamo laban sa Bise Presidente. Pero ayon kay Padilla, nakahanda ang oposisyon sa Senado na tutulan ang pag-convene ng kapulungan bilang impeachment court base sa parliamentary procedures.
“Ang pagiging alyado ko sa Bise Presidente, nagtatapos doon (sa impeachment court). Pero hangga’t lehislador pa tayo, may karapatan tayong magsalita,” pagtatapos ng senador.
