Nakipagkaisa ang Boracay Water sa Pamahalaang Lokal ng Malay at iba pang sektor sa muling binuong Wastewater Management Council (WMC) upang tiyakin ang mas ligtas, malinis, at may pananagutang pamamahala sa dumi ng tubig para sa patuloy na pagprotekta sa kalikasan ng Boracay.
Muling pinagtibay ng Boracay Water, isang operating unit ng Manila Water Non-East Zone, ang commitment nitong protektahan ang kalikasan ng Isla ng Boracay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa muling binuong Wastewater Management Council (WMC) ng Bayan ng Malay.
Ang pagtatag ng pinalakas na WMC ay batay sa Executive Order No. 22, Series of 2026 na nilagdaan ni Malay Mayor Frolibar Bautista upang matugunan ang mga hamon sa pagdami ng dumi ng tubig dulot ng lumalaking populasyon at dumaraming turista sa isla.
Ang lupon ay binubuo ng mga kinatawan mula sa pampublikong sektor, mga pasilidad ng serbisyo, mga barangay, at mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Sisilbing pangunahing lupon ang WMC sa pag-inspeksyon ng mga linya ng alkantraya o sewerage connections, pagsusuri ng mga septic system, pagtiyak sa pagsunod sa mga pamantayan ng pagtatapon ng dumi, at pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 550, Series of 2024 upang mapangalagaan ang yamang-tubig ng Boracay.
Bilang pangunahing tagapagbigay ng serbisyo sa tubig at wastewater sa isla, patuloy ang pamumuhunan ng Boracay Water sa mga pasilidad at imprastraktura.

Sa unang kalahati ng taong 2026, nakapagtala ang kumpanya ng 3,079 na kabuuang sewer service connections, kabilang ang 161 na mga bagong kabit.
Dahil dito, umabot na sa 67.52 porsyento ng populasyon ng isla ang nasasakop ng kanilang serbisyo sa sewerage, habang pumasok na sa 67 porsyento ng service area nito ang nakalatag na linya ng alkantraya.
Mula Enero hanggang Hulyo 2026, nakapaglinis ang kumpanya ng mahigit 1.14 milyong kubiko metrong dumi ng tubig, kung saan ang mga Sewage Treatment Plant (STP) nito ay gumagana sa average na 6.27 milyong litro bawat araw.
Natapos na rin ang modernisasyon ng Balabag STP at Manoc-Manoc STP gamit ang teknolohiyang Biological Nutrient Removal (BNR) upang mas mapataas ang kalidad ng pagtrato sa wastewater bago ito muling i-discharge sa dagat.
Bukod sa mga imprastraktura, ipinapatupad din ng kumpanya ang Project Monsoon, isang inisyatibo na nagbibigay ng libreng koneksyon sa linya ng alkantraya para sa mga residential customer.
Layunin ng programang itong suportahan ang Philippine Clean Water Act of 2004 upang matiyak na ang dumi ng tubig mula sa mga kabahayan ay dadaan sa tamang proseso ng paglilinis bago muling i-discharge.
Sinabi ni Carina Reyes, General Manager ng Boracay Water, na ang pagbuo muli ng WMC ay isang mahalagang hakbang para sa mas pinalakas na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor.
Aniya, mananatiling katuwang ng Bayan ng Malay ang Boracay Water upang palawakin pa ang sakop ng serbisyo at panatilihin ang napapanatiling turismo sa isla.
Kabilang sa mga unang hakbang ng WMC ang pagsasagawa ng inspeksyon at beripikasyon sa mga piling komunidad at establisimiyento upang matukoy ang mga ilegal o hindi sumusunod na pagtatapon ng dumi ng tubig.
