DAHIL sa mga reklamo ng mga mamamayan sa matagal na pagka-antala ng serbisyo ng kanilang internet gayung patuloy naman silang sinisingil ng bayad ng kanilang internet provider, kaagad na tumugon ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa nasabing mga reklamo.
Pinulong ni Mayor Wes Gatchalian ang mga kinatawan ng internet providers na Converge Information and Communications Technology Solutions, Inc., PLDT Inc.at maging ang Globe Telecom Inc. makaraang bumuhos ang reklamo ng mga residente sa kanyang tanggapan hinggil sa pagkaputol na koneksiyon ng kanilang internet sa kabila ng kanilang patuloy na pagbabayad.
Ayon sa alkalde, hindi karangyaan ang pananatiling konektado sa internet dahil kailangan ito sa pagta-trabaho, sa paaralan, negosyo, pakikipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay, at makakalap ng impormasyon na lubhang kinakailangan kaya’t nararapat lamang siyang umaksiyon sa reklamo ng Pamilyang Valenzuelano.
Nagsimula ang hinaing ng mga residente sa lungsod noong humataw ang malalakas na buhos ng ulan na dulot na Habagat na nagresulta sa pagka-antala ng koneksiyon ng internet sa mga kabahayan na umabot ng ilang linggo hanggang halos isang buwan.
Matapos ang dalawang sunod na pagpupulong hinggil sa hiling ng alkalde na magkaroon ng rebate o bahagi ng salaping dapat ibalik sa mga apektadong residente, naglabas ng detalye ang dalawang service provider sa ilalaan nilang salapi sa bilang ng mga kuwalipikadong pamilyang makakatanggap nito.
Ang Converge ay naglaan ng PHP 1,671,615 rebates para sa kabuuang 3,600 na apektadong residente, PHP 314,671.48 naman ang kuwentada ng PLDT kung saan naibalik na nila rito ang PHP 94,972.73 sa kanilang apektadong subscribers at pinoproseso pa ang PHP 219,698.75 habang nangako rin ang Globe na tatalima sa pagkakaloob ng rebate sa naapektuhang subscribers. (JUVY LUCERO)
