Ipinagmalaki ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang umiiral na malinis at tapat na proseso ng procurement sa kagawaran, kasabay ng pamamahagi ng 73 bagong Unified 911 Emergency Response Motorcycles para sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), binigyang-diin ni Remulla na tinitiyak ng kanyang pamunuan na bawat sentimo ng pondo ng bayan ay buong-buong napakikinabangan ng publiko.
Inihayag ng kalihim na walang puwang ang korapsiyon sa DILG, PNP, at BFP.
Bilang patunay, ibinahagi niya ang matagumpay na government-to-government (G2G) deal sa pagitan ng Pilipinas at South Korea para sa pagbili ng mga bagong fire truck ng BFP.
Ayon kay Remulla, mula sa dating P16 milyon bawat unit sa merkado, nabili na lamang ito sa halagang P10 milyon bawat isa sa tulong ng BFP at DILG.
“1,500 trucks in the next three years ang bibilhin natin, giving a savings of P9 billion para sa gobyerno,” pahayag ni Remulla.
Ibinahagi rin ng kalihim na sa isa pang bultuhang pagbili ng mga sasakyan para sa kagawaran, nagawang bawasan ng nanalong bidder ang presyo nito nang P100 milyon matapos tiyakin ng Bids and Awards Committee (BAC) na walang anumang lagayan o komisyong hihingin sa kanila.
Tiniyak din ni Remulla na ang mga ipinamahaging motorsiklo para sa Unified 911 Emergency Response ng NCRPO ay dumaan sa masusing bidding at walang sinumang opisyal ang nagbulsa ng pondo. Hinimok pa niya ang kapulisan na suriin at ikumpara ang winning bid price sa presyo sa merkado.
“Wala kayong makikitang ni piso na pumunta sa bulsa ng sinuman. Ganiyan talaga maglingkod,” dagdag pa ng kalihim.
Kaugnay nito, ipinagmalaki rin niya na sa katatapos lamang na budget hearing sa Kongreso, walang mambabatas ang naghain ng pagtutol o negatibong puna laban sa PNP—isang patunay aniya ng pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at ng lehislatura sa kapulisan.
Samantala, malaking tulong naman ang 73 karagdagang police motorcycle upang mas mapabilis ang pagresponde ng NCRPO sa mga emergency call na natatanggap sa pamamagitan ng 911 hotline, lalo na sa mga lansangang siksikan at matindi ang trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, malaki ang kanilang pasasalamat sa buong suporta nina DILG Sec. Remulla at PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
“Every second matters during an emergency. These additional motorcycles will give our responders greater mobility and allow them to reach people in distress as quickly as possible,” ani PBGen. Abrahano.
Inatasan na rin ni Abrahano ang mga police commander na tiyakin ang maayos at istratehikong deployment ng mga motorcycle responder sa mga kritikal na lugar. Binigyang-diin niya na ang layunin ng inisyatiba ay ang kabuuang pagpapabuti ng emergency response system ng Metro Manila—mula sa pagtanggap ng tawag hanggang sa mabilis at ligtas na pagdating ng mga tauhan sa lugar ng insidente.
Nagpaalala rin ang pamunuan ng NCRPO sa publiko na gamitin nang responsable ang 911 emergency hotline at magbigay ng eksakto at kumpletong detalye tuwing tumatawag upang mabilis na maipaabot ang kinakailangang tulong.
