Naglabas ng babala ang Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ukol sa umiiral na Strong El Niño sa Tropical Pacific, na inaasahang lalo pang titindi bilang isang Very Strong El Niño mula Setyembre hanggang Disyembre ngayong taon.
Ayon sa mga climate model at pagsusuri ng mga eksperto, inaasahang magpapatuloy ang epekto ng naturang tagtuyot hanggang sa unang kalahati ng taong 2027.
Ang El Niño ay ang init na awang (warm phase) ng El Niño-Southern Oscillation (ENSO) na nakikitaan ng hindi karaniwang pag-init ng ibabaw ng dagat sa Central at Eastern Equatorial Pacific, kasabay ng mas malamig na temperatura ng karagatan sa Philippine Sea.
Nagbabala ang DOST-PAGASA na ang matagalang kawalan ng sapat na ulan ay magdudulot ng matinding dry spell at drought sa malaking bahagi ng bansa. Banta ito sa supply ng tubig, produksyon ng pagkain at agrikultura, enerhiya, pampublikong kalusugan, at sa pangkalahatang ekonomiya.
Gayunpaman, binigyang-diin ng estado ng panahon na maaari pa ring magdala ng localized at higit sa karaniwang pag-ulan ang kasalukuyang Habagat at mga bagyong papasok sa bansa, partikular sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.
Hinimok ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor na gumawa agad ng mga hakbang batay sa mga siyentipikong datos bago pa man maramdaman ang buong epekto ng El Niño.
“Climate information must be utilized before a crisis strikes,” pahayag ni Sec. Solidum. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang pag-aadjust sa mga iskedyul ng pagtatanim at paghahanda sa mga komunidad, imprastraktura, at pangunahing serbisyo. Dagdag pa niya, binuo ng PAGASA ang CliMap at iba pang localized climate projections upang makatulong sa mga munisipalidad sa pagbuo ng mga plano sa adaptation.
Tiniyak naman ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel V. Servando na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay at mabilis na pagpapakalat ng impormasyon.
“We will continue to work closely with national and local government agencies to ensure critical, science-based forecasts reach communities promptly,” pahayag ni Dr. Servando, sabay diin na ang mga napapanahong advisory ay magbibigay-daan sa mamamayan at pamahalaan para sa epektibong paghahanda.
Patuloy na maglalabas ng mga update ang DOST-PAGASA kaugnay sa pag-unlad ng El Niño. Inaatasan ang lahat ng otoridad at ang publiko na agad magpatupad ng mga pamamaraan sa pagtitipid ng tubig at iba pang mitigating measures.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Climatology and Agrometeorology Division (CAD) ng PAGASA sa numerong (02) 8284-0800, local 4920 o 4921.
