Nagbukas ng mas mabilis na daan para sa prosekusyon ngunit nagdulot din ng pabor sa depensa ang bagong desisyon ng Impeachment Court kaugnay ng pagbabawal sa mga absentee senator na bumoto sa paglilitis ni Vice President Sara Duterte.
Pinawalang-bisa ng bagong hatol ang naunang ruling noong Hulyo 6 ni Presiding Officer Chiz Escudero, na nagpapanatili sa 16 na kinakailangang boto para sa conviction.
Sa ilalim ng pinakahuling desisyon, hindi na isasama sa kabuuang bilang ng botante ang mga senatór na nakakulong, nakasuspinde, may legal na balakid sa pagboto, hindi matukoy ang kinaroroonan, o may matinding kapansanan at karamdaman.
Kabilang sa mga apektado ng naturang pamantayan ang apat na senador: sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta na may kinahaharap na usapin sa batas, si Sen. Bato dela Rosa na pinaghahanap ng awtoridad, at si Sen. Loren Legarda na kasalukuyang nakatutok sa kanyang medical leave.
Dahil dito, bababa ang kabuuang bilang ng mga botanteng senador (denominator) mula 24 patungong 20. Sa bagong bilang, ang two-thirds kinakailangan para sa conviction ay tatayo na lamang sa 14 na boto.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng panel ng prosekusyon na hindi pa rin nagiging madali ang kanilang tungkulin at hindi ito nangangahulugan ng tiyak na tagumpay.
“The prosecution’s job is to build a house of evidence. In a way, the defense’s job is actually easier because they only want to tear down the house,” pahayag ni prosecutor Chel Diokno sa isang press conference matapos ang paglilitis. “It never gets easier.”
Muling iginiit ni Diokno, na siyang humarap sa oral arguments, na hindi naaayon sa hustisya na payagangg bumoto ang mga liban na senador.
“Their inability to participate is beyond dispute. And yet, if the denominator is fixed at twenty-four, conviction would always require sixteen votes. This is absurd,” dagdag pa niya sa harap ng hukuman.
Pinaalalahanan din ni prosecutor Terry Ridon ang publiko na hindi dapat tingnan ang desisyon batay sa antas ng hirap ng proseso.
“What’s more important for us at this point is to properly lay out the evidence and continue the proceedings until the end,” ani Ridon.
Pinaalalahanan din ng prosekusyon na ang pagbaba ng kinakailangang boto para sa conviction ay may kaakibat na kapakinabangan para sa depensa. Dahil bumaba ang denominator, bababa rin ang bilang ng botong kinakailangan ng depensa upang tuluyang maabsuwelto (acquittal) ang Bise Presidente.
“It’s a two-way consequence for both the defense and the prosecution,” pahayag ni prosecutor at House Deputy Minority Leader Gerville Luistro.
Patuloy namang gumugulong ang paglilitis sa Senado habang nagpapatuloy ang pagpapakita ng mga ebidensya at testigo mula sa magkabilang panig.
