Upang mapalakas ang kakayahan at kahandaan ng Bureau of Corrections (BuCor) laban sa mga umuusbong na banta sa cyberspace, nagsagawa ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ng isang training seminar para sa mga kawani ng kawanihan nitong Hwebes.
Sa ilalim ng temang “Within the Walls: Strengthening Cyber Capabilities,” binigyang-diin sa seminar ang kahalagahan ng cybersecurity sa pagprotekta sa mga operasyon, information systems, pasilidad, at pampublikong tiwala sa BuCor.
Sa mensaheng ipinaabot ni BuCor Deputy Director General Asec. Al Perreras para kay Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., binigyang-diin nito na higit sa pagkuha ng teknikal na kaalaman, ang aktibidad ay simbolo ng kolektibong komitment ng gobyerno laban sa mga banta sa internet na pwedeng makadiskarga sa operasyon ng kawanihan.
“Habang patuloy nating ginagamit ang makabagong teknolohiya sa ating mga operasyon, dumarami rin ang mga panganib na kaakibat nito,” pahayag ni Perreras.
Ipinaalala rin ni Perreras na ang seguridad sa digital world ay hindi lamang tungkulin ng Information Technology (IT) department kundi ng bawat empleyado ng BuCor—mula sa pinakamataas na opisyal hanggang sa mga rank-and-file staff.
Aniya, ang simpleng paggamit ng malalakas na password, pagsunod sa access controls, pag-uulat ng kaduda-dudang aktibidad, at maingat na paghawak ng sensitibong datos ay malaking tulong upang maiwasan ang security breach.
Binigyang-diin din sa pagsasanay ang kakaibang tungkulin ng BuCor sa pangangalaga sa mga pasilidad at Persons Deprived of Liberty (PDL). Dahil nakasalalay na rin ang rehabilitation at reformation program sa mga secure na communication system, database, at surveillance tools, kailangang maging kasing-higpit ng physical security ang digital security ng kawanihan.
“As we protect our facilities within physical walls, we must also safeguard our digital environment against cyber threats that can compromise operations, data, and public trust,” dagdag pa ni Perreras.
Inaasahan naman ni BuCor Chief Catapang na sa pamamagitan ng pagsasanay mula sa DOJ at NBI, mas mapapabilis ang pagtukoy ng mga kawani sa cyber risks, pagtugon sa mga insidente, at pagpapatupad ng mga preventive measure.
“Ito ay bahagi ng ating patuloy na pagsisikap na makabuo ng mas ligtas at matatag na pampublikong serbisyo. Sa pagbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa ating mga tauhan, masisiguro nating nananatiling protektado at operational ang mga kritikal na sistema ng BuCor,” ayon kay Catapang.
