Nagsama-sama ang mga samahan ng mangingisda at mga advocate mula sa Protect Verde Island Passage (Protect VIP) Network sa isang kilos-protesta sa University of the Philippines Diliman noong Huwebes upang ipanawagan sa Kongreso ang mabilis na pagpasa ng mga panukalang batas na magbibigay ng permanenteng legal na proteksiyon sa Verde Island Passage (VIP).
Ang naturang kilos-protesta ay bahagi ng mga aktibidad para sa Verde Island Passage Week (Setyembre 21 hanggang 25) na may temang “Tayo ang Alon: Sama-samang Pagkilos Para sa Karagatan, Kabuhayan, at Kinabukasan.”
Nais ng mga grupo na maideklara ang VIP bilang isang protected seascape sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) upang mapangalagaan ito laban sa polusyon, illegal at commercial fishing, industrialization, at epekto ng climate change.
Sa kasalukuyan, nakabinbin sa Senado ang Senate Bill 831 (Verde Island Passage Protected Seascape Act) na inihain ni Sen. Loren Legarda noong Agosto 2025.
Sakop nito ang mga karagatan sa Batangas, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, at Quezon. Ang panukalang ito ay muling pagbuhay sa kaparehong bill noong 19th Congress na inihain noon ni dating Sen. Cynthia Villar na hindi nakapasa sa committee level.
Sa Kamara de Representantes, nakabinbin din sa House Committee on Natural Resources ang House Bills 8847 at 8882 na inihain nina Negros Occidental Rep. Javier Miguel Lopez Benitez at ML Party-list Rep. Leila de Lima.
Sa ilalim ng HB 8847, malinaw na itinatakda na hindi maiipit o maeechapwera ang mga maliliit at subsistence fisherfolk. Bagkus, bibigyan sila ng pinalakas na karapatan at reguladong access sa kanilang mga tradisyunal na pangingisdaan sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga komunidad at siyentipiko.
“Ang VIP ay para sa VIP. At tayo ang VIP,” pahayag ng Protect VIP Network, kung saan ang “VIP” ay tumutukoy din sa mga mamamayang direktang umaasa ang pagkain at kabuhayan sa naturang karagatan.
Lalo pang tumindi ang panawagan para sa mas matibay na batas matapos ang paglubog ng oil tanker na MT Princess Empress noong Pebrero 2023 sa Oriental Mindoro na nagdulot ng malawakang oil spill sa rehiyon.
Ayon kay Fr. Edwin Gariguez, lead convenor ng Protect VIP, nananatiling krusyal ang permanenteng proteksiyon sa VIP para sa tuluyang paghilom at pangmatagalang kaligtasan nito laban sa mga banta, kabilang na ang ekspansyon ng mga pasilidad ng liquefied natural gas (LNG) sa Batangas.
Binigyang-diin ng mga marine scientist na ang Verde Island Passage ang itinuturing na “center of the center” ng global marine shorefish biodiversity sa buong mundo, kaya’t napakahalaga ng proteksiyon nito para sa ekolohiya at sa libo-libong Pilipinong nabubuhay dito.
