May 18, 2024

Bigo nga ba sa Korea? SANDARA, BALIK PINAS NA NGA BANG MULI?

SUMIKAT dito sa ating bansa si Sandara Park, nakagawa pa siya ng pelikula sa atin. At dahil sumikat nga, tinagurian siyang ‘Pambansang Krung-Krung.’ Matagal siya sa ating bansa, pero iniwan niya ang Pinas at bumalik ng Korea.

“Gusto kong makilala bilang K-pop singer sa Korea, at pinalad nga akong maging member ng female group na 2NE1. Pero nabuwag din ang grupo namin, at wala kaming nagawa at nanlumo kaming lahat.

“Dati ang dream ko lang ay makapag-release ako ng sarili kong album, pero ngayon ang dream ko ay mag-tour. Parang world tour, sa maliliit na venue lang. May fans pa rin naman ako sa buong mundo, na hanggang ngayon ay sumusuporta pa rin sa akin.

“Ngayong andito ako sa Pinas, gusto kong makabalik sa ABS-CBN. Gusto kong magkaroon ng show at makagawa ng teleserye o pelikula. Hanggang ngayon naman, marami pa rin akong mga fans na nagmamahal sa akin dito sa Pinas kaya mahal ko ang bansang ito at dito ako sumikat,” pagtatapos pa ni Sandara Park.