Umaaray ngayon ang mga residente sa Phase 1, Package 2 sa Bagong Silang (Barangay 176) sa Caloocan City dahil sa talamak na pagbaha na idinudulot umano ng palpak at hindi maayos na pagkagawa sa drainage system ng isang bagong sementadong kalsada sa lugar.
Ayon sa sumbong ng mga apektadong mamamayan, ito na ang ikalawang pagkakataon na nakaranas sila ng matinding perwisyo at pagbaha sa tuwing bubuhos ang ulan, kahit pa bago at tapos na ang proyekto sa kalsada.
Iginiit ng mga residente na sa halip na ginhawa ay pasakit ang idinulot ng bagong imprastraktura dahil hindi maayos ang naging disenyo o daloy ng drainage system na dapat sanang sumasalo sa tubig-ulan. Dahil dito, nananatiling barado at stagnant ang tubig na mabilis namang umaapaw patungo sa mga kabahayan.
Nanawagan ngayon ang mga residente sa pamahalaang lokal ng Caloocan, partikular na sa City Engineering Office at sa kontraktor ng proyekto, na agad itong balikan, siyasatin, at ayusin upang hindi na magpatuloy ang pagbaha lalo pa’t madalas ang pag-ulan sa mga nagdaang araw.
