Contributed photo
MARIING kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang naganap na tangkang pagpatay sa radio broadcaster na si Jay Lavapiez, na tinambangan habang papasok sa kanyang trabaho nitong Lunes ng madaling araw, Hunyo 22, 2026.
Batay sa paunang ulat, nagmamaneho si Lavapiez sa kahabaan ng national highway sa Barangay Cagay, Roxas City, bandang alas-5:00 ng madaling araw, nang bigla itong harangin ng hindi bababa sa dalawang armadong suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan ng broadcaster, ngunit mapalad na nakaligtas at walang sugat si Lavapiez sa naturang pananambang.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen, narekober ang apat na basyo ng bala.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang PTFOMS, katuwang ang Philippine National Police (PNP) Media Vanguards, upang matukoy ang motibo at madakip ang mga utak sa likod ng tinawag nilang “naduduwag na aksyon.”
Kaugnay nito, nagbaba na ng direktiba si PBGen Randulf Tuano, Regional Police Office 6 Director, sa lahat ng yunit ng PNP na bigyang prayoridad ang kaso at magsagawa ng agarang tugon upang mapabilis ang pag-usad ng hustisya.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng PTFOMS na walang puwang sa isang demokratikong lipunan ang anumang uri ng karahasan at intimidasyon laban sa mga mamamahayag na naghahatid ng mahahalagang impormasyon sa publiko.
“Naninindigan kami kasama si G. Lavapiez at ang buong industriya ng media sa muling pagpapatibay ng ating commitment na pangalagaan ang kanilang karapatan at seguridad. Ang kalayaan sa pamamahayag ay mahalaga sa ating demokrasya,” pahayag ng task force.
Nanawagan din ang ahensya sa mga organisasyon ng media, civil society, at iba pang sangay ng pamahalaan na magtulungan upang paigtingin ang seguridad ng mga media professionals upang makapagtrabaho ang mga ito nang walang takot o pangamba.
