Kalaboso ang isang 39-anyos na trailer driver matapos mabisto ng mga kawani ng isang gasolinahan na hinihinalang kontaminado ang idineliver nitong libo-libong litro ng gasolina na nagkakahalaga ng P2.9 milyon sa Barangay San Isidro, Paranaque City noong Nobyembre 14, 2026.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-9:00 ng umaga nang dumating ang transport tanker—na may kargang tinatayang 40,000 litro ng gasolina—sa isang gasoline station sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue.
Bagama’t pumasa umano sa standard quality control ang kargamento bago ito ibiniyahe mula sa Subic, agad na napansin ng mga receiving personnel ng istasyon ang kakaibang hitsura (visual anomalies) ng gasolina habang isinasalin ito. Dahil sa pangambang masira ang kanilang mga underground tank at makina ng mga motorista, agad na ipinatigil ng management ang pagsasalin at tumawag ng pulis.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng San Dionisio Police Sub-Station at inaresto ang suspek. Dinala na ang driver, kasama ang tanker at ang kontaminadong kargamento, sa Investigation and Detective Management Section ng Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong Qualified Theft (Article 310 ng Revised Penal Code) at Malicious Mischief (Article 327 ng Revised Penal Code). Inaalam pa ng mga imbestigador kung ang kontaminasyon ay bunsod ng sadyang pakikialam, pagpapalit ng kargamento (cargo substitution), o kapabayaan.
Nagbabala naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director PBGen. Christopher N. Abrahano laban sa mga nananabotahe at nanloloko sa mga komersyal na kargamento.
“A multimillion-peso commercial shipment cannot simply be compromised without serious scrutiny. We will determine what went wrong, establish who is responsible, and pursue the appropriate charges. Anyone found to have committed theft or deliberate property damage will face the full force of the law,” ani PBGen. Abrahano.
