Ibinahagi ng abogado at social media commentator na si Atty. Edward Chico sa kanyang opisyal na Facebook account ang paghahambing sa umano’y P22 bilyong ginastos ng pamahalaan para sa pagdaraos ng ASEAN Summits laban sa iba pang pangunahing programa at proyekto ng bansa.
Sa kanyang Facebook post, binanggit ni Atty. Chico na ang halagang P22 bilyon ay maaari nang makapagpatayo ng tinatayang 8,700 hanggang 9,165 na silid-aralan (classrooms) sa buong bansa.
Dagdag pa niya, ang nasabing halaga ay sapat din upang tustusan ang 55 buong edisyon ng Palarong Pambansa, o kaya naman ay pondohan ang tinatawag niyang “insertions” ng pitong kongresista.
“FYI: The 22B spent for the Asean Summits can build 8,700 to 9,165 classrooms, sponsor 55 full editions of the Palarong Pambansa and fund insertions of 7 congressmen,” ayon sa post ni Atty. Chico.
Samantala, sa mga naunang pahayag ng pamahalaan at ng mga organizer ng summit, binigyang-diin naman ng gobyerno na ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit ay isang mahalagang pamumuhunan sa diplomasya, seguridad sa rehiyon, turismo, at paghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan (foreign investments) na inaasahang magbabalik ng pangmatagalang benepisyo sa ekonomiya ng bansa.
