Tiniyak ni Senate President Win Gatchalian na magiging alinsunod sa Saligang Batas ang 2027 National Budget matapos ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) kaugnay ng ilang probisyon sa 2026 budget.
Sa isang ambush interview sa Senado noong Oktubre 23, sinabi ni Gatchalian na hindi na kailangang i-recall ng House of Representatives ang 2027 proposed budget — tulad ng hiling ng House Makabayan Bloc — upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa proseso.
“Not necessary naman dahil papasok na kami sa consolidation ng budget dito so we can do the correction ourselves,” ayon sa Senate President. Isasagawa na aniya ng Senado ang kinakailangang pagsasaayos sa technical working group (TWG) level kasama ang Finance Committee na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito.
Nang tanungin ukol sa pahayag ni Congressman Edgar Erice na tila naging kapareho umano ng kontrobersyal na 2025 budget ang pondo para sa Local Government Support Fund (LGSF), ipinaliwanag ni Gatchalian na hiningian na nila ng klaripikasyon ang Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Gatchalian, nagkakahalaga ng humigit-kumulang P30 bilyon ang LGSF na malaki ang naitutulong sa mga lokal na pamahalaan. Upang maiwasan ang pamumulitika at masiguro ang ‘good governance’, inatasan na ang DBM na i-upload at isa-isahin (granular) nang mas mabilis ang listahan ng mga proyektong popondohan nito.
Tungkol naman sa Unprogrammed Appropriations, sinabi ng opisyal na nakikipag-ugnayan na ang Senado sa Office of the Solicitor General (OSG) upang linawin ang mga probisyong idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema, partikular ang paggamit ng pondo maliban sa mga foreign-assisted projects. Binigyang-diin niya na ang mismong Unprogrammed Funds ay nanatiling legal at constitutional.
Tinugunan din ni Gatchalian ang ulat ng People’s Budget Coalition hinggil sa mga diumano’y proyekto ng Farm-to-Market Roads (FMR) na nakabase ang geolocated coordinates sa gitna ng dagat, tulad ng sa Benham Rise at Middle East.
Paliwanag ng Senate President, kahilingan na ng komite simula noong 2026 budget ang paglalagay ng mga eksaktong coordinates para sa mga FMR project. Aniya, malaki ang paniniwala niyang “typo error” o simpleng pagkakamali sa pag-encode lamang ito, ngunit agad na nila itong na-flag sa kaukulang departamento para mapitan at maikorehiyo.
Mabilis ding pinabulaanan ng lider ng Senado ang mga haka-haka na idinisenyo ang 2027 national budget para sa pampulitikang layunin o para sa nalalapit na halalan.
“2027 budget will be a budget that will be responsive to the needs and the requirements of the country,” diin ni Gatchalian.
Idinagdag pa niya na nakatutok ang pondo sa pagpapalakas ng ekonomiya, pagtugon sa implasyon, at paghahanda sa epekto ng El Niño. Biro pa ng senador, “Hindi pa naman eleksyon. Eleksyon 2028 pa… Sa ibang mga pulitiko, eleksyon araw-araw.”
Nakatakdang i-sponsor sa plenaryo ng Senado ang consolidated committee report ng 2027 budget sa Nobyembre 9.
