“Serve the public with sincerity and commitment.”
Ito ang marching order ni Land Transportation Office Region VI (LTO-6) Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II sa 94 law enforcers, deputized personnel, at support staff na ipinakalat ngayong Biyernes, Oktubre 23, para sa pagpapatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026.”
Sa ginanap na send-off ceremony sa LTO-6 Conference Room, ipinaalala ni Director Geduspan sa mga tauhan na ang pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada ay nagmumula rin sa sariling disiplina ng kanilang hanay. Binigyang-diin niya na dapat mamayani ang profesyonalismo at pagiging magalang sa bawat inspeksyon, terminal assignment, at pakikitungo sa mga biyahero.
“Be vigilant not only to the clients or motorists that we serve, but with what you do, your behavior in public,” paalala ni Geduspan sa mga tauhan ng LTO-6.
Magsisimula ang deployment ngayong Oktubre 23 at tatagal hanggang Nobyembre 4 upang bantayan ang pag-uwi ng mga biyahero sa kani-kanilang lalawigan, ang pagdalaw sa mga sementeryo sa Araw ng mga Patay, at ang pagbabalik ng publiko sa trabaho at paaralan.
Ibinahagi naman ni Regional Law Enforcement Section Chief Jetster T. Mandadero ang mga pangunahing layunin ng operasyon: zero transport-related fatalities, mas visible na enforcement presence, at maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, transport hubs, at mga ruta patungong sementeryo.
Magsasagawa ang mga enforcement team ng roadworthiness inspection sa mga sasakyan, roving patrols, at roadside checks, bukod sa pagbibigay ng tulong at mga safety reminders sa mga biyahero.
Itatalaga ang 94 personnel sa tatlong pangunahing transport hubs: New Ceres Mohon Terminal sa Villa Arevalo, Tagbak Bus Terminal sa Jaro, at Pavia People’s Terminal. Sakop din ng operasyon ang Ungka Terminal, mga daungan o seaport, at ang paliparan sa Iloilo City.
Sa mga terminal, itataguyod ng mga tauhan ang inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan (PUVs) bago bumiyahe, titiyakin ang pagsunod ng mga drayber sa regulasyon, at babantayan ang kaligtasan ng mga pasahero.
Patitindigin din ang kampanya laban sa mga colorum na sasakyan o mga ilegal na nagpapasada nang walang kaukulang permiso sa gitna ng mataas na demand ngayong holiday season.
Ang operasyong ito ay kasunod ng mga paghahandang pinangunahan ni Director Geduspan at Assistant Regional Director Jeck D. Conlu, kasama si Chief Mandadero at mga division chief, alinsunod sa heightened-alert directive ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao at sa ilalim ng gabay ni Transportation Secretary Giovanni Lopez.
Mula Oktubre 23 hanggang 27, nakatutok ang operasyon sa mga papalabas na biyahero sa pamamagitan ng terminal inspections, random drug testing sa mga drayber ng PUV, at pagbabantay sa mga pangunahing departure routes. Ipapaalala rin ang paggamit ng seatbelt, proteksyon sa mga batang pasahero, motorcycle safety, at pag-iwas sa distracted driving.
Mula naman Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4, nakatutok ang mga koponan sa mismong paggunita ng Undas at sa pagbabalik-biyahe ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga kalsada patungo sa mga sementeryo at memorial parks.
