Habang gutom ang mga Pilipino at lugmok na lugmok sa kahirapan ang mga pulitiko sa Senado at Kongreso bilyon-bilyong piso ang pinag-uusapan.
Ang tanong ng mga Pilipino, “Gaano kaya karami ang bilyong piso?” Gaano kaya katagal bilangin ang isang bilyon?
Mga tanong ng mga naghihikahos na kababayan natin. Na kahit sa panaginip hindi nila mahahawakan. Walang pag-asa kahit habang buhay pang kumayod.
Nakakapanlumo, mga Cabalen. Lalo na kung ika’y isang ordinaryong Pilipino na kumakayod araw-araw upang kumita ng kakarampot na pera na binabawasan pa ng buwis para mapunta lamang sa bulsa ng mga buwaya na nagpapatakbo ng gobyerno.
Habang dinidinig ang Impeachment trial para kay Sara Duterte, pumapatak ang metro ng gastos na inilalagak sa pagdinig na ito sa Senado. Saan galing ang nilulustay dito? Sa kaban ng bayan na pinagtarbahuhan ng nga tax payers.
Nakakayamot, mga Cabalen, na ang grandstanding at pamumulitika ng bawat kampo ng impeachment hearing na ito, para lamang mapatalsik si Sara Duterte.
Nakakadismaya at nakakasawa na pong panoorin ang mga pagmamalaki ng bawat kampo na parang wala ng katapusan.
Gutom na ang mga Pilipino, napakataas na ng inflation, hindi na alam kung paano pa mabubuhay ang mga naghihikahos.
Walang habag ang mga pulitiko at sa ating palagay ay hindi nila ramdam ang pagmamakaawa ng bawat Pilipino na iahon sila sa kahirapan.
Walang nagsasabi ng totoo. Lahat sila may personal na interes. Hanapan ng baho at ‘di alintana ang kumakalam na sikmura ng mga kababayan nila.
Ang mga honorableng ito, nalimutan na yata na may iba pang problemang kinakaharap ang bansa maliban sa impeachment!
Ang pagtaas ng mga produktong petrolyo, ang mga pangunahing bilihin lahat tumataas. Walang ginagawa ang gobyerno para ito’y lutasin!
Ang flood control scam nakalimutan na ba ninyo? Ang proseso ng pagpapakulong kay dating Speaker Romualdez wala na ding narinig ang taong bayan!
Kung hindi naaawa ang mga gobyerno at mga nakaupong pulitiko sa atin, maawa nalang tayo sa bawat isa.
Huwag sana nating kalimutan na walang malinis sa kanila. Tayo ang laging biktima at dapat bawasan na natin ang pagiging maunawain at matiisin!
