Nakalikom ang Bureau of Customs – Port of Manila (BOC–POM), sa pamamagitan ng Auction and Cargo Disposal Division (ACDD), ng kabuuang P12.318 milyon mula sa dalawang public auction na isinagawa noong Setyembre 2026.
Ang nasabing halaga ay nagmula sa matagumpay na pagbebenta ng mga nakumpiskang regulated refrigerant gas sa ginanap na public biddings noong Setyembre 10 at Setyembre 30.
Sa unang subasta noong Setyembre 10, limang (5) sale lot ang inihain, habang labindalawang (12) sale lot naman ang inialok noong Setyembre 30.
May tig-isang sale lot ng refrigerant gas ang matagumpay na nabili sa bawat serye ng subasta, na nagbunga ng kabuuang koleksyon na P12.318 milyon para sa pamahalaan.
Tiniyak ng ACDD na nasunod ang lahat ng alituntunin sa pangangalaga ng kapaligiran sa buong proseso ng bidding.
Bilang bahagi ng mga kinakailangan sa paglahok, mahigpit na inobliga ang mga kwalipikadong bidder na kumuha muna ng kaukulang permiso mula sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR–EMB) upang matiyak na natutugunan nila ang mga pambansang pamantayan sa kapaligiran bago payagan sa bidding.
Ang naturang tagumpay sa subasta ay bunga ng mga direktiba ni District Collector Rizalino Jose C. Torralba na palakasin ang paglikom ng buwis habang pinapanatili ang integridad at pananagutan sa pamamahala ng mga nakumpiskang kargamento.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy na pinalalakas ng BOC ang mga inisyatibo nito sa paglikom ng revenue habang mahigpit na ipinatutupad ang mga regulasyong pangkapaligiran at itinakdang proseso ng pamahalaan. (Mina Paderna)
