Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ang mahigit 10,000 guro at tagapagturo sa ginanap na pagtatapos ng National Teachers’ Month 2026, kasabay ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng Indigenous Peoples Education (IPEd) Program.
Dinaluhan ng mga guro mula sa National Capital Region at iba’t ibang bahagi ng Luzon ang pagtitipon, na siyang nagtataguyod sa pambansang tema ngayong taon na “Teacher, Ikaw Naman!”. Ang aktibidad ay kabilang sa buwanang serye ng pagdiriwang na isinagawa rin sa Cagayan de Oro City para sa Mindanao at Tacloban City para sa Visayas.
Sa kanyang talumpati, muling ipinaabot ng Pangulo ang kanyang malalim na pasasalamat sa mga gurong Pilipino at inihayag na inatasan na niya ang mga kaugnay na ahensya na pabilisin ang release ng Fiscal Year 2024 Performance-Based Bonus (PBB) para sa mga kwalipikadong tauhan ng DepEd. Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy na maghahanap ang pamahalaan ng mga paraan upang mapabuti ang suporta, benepisyo, at oportunidad para sa mga tagapagturo.
Inihayag din ni Secretary Angara na ang kapakanan ng mga guro ang nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos. Idinagdag pa niya na ang makasaysayang tagumpay at pag-angat ng bansa sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025 ay bunga ng sakripisyo, dedikasyon, at husay ng mga gurong Pilipino.
Tampok din sa programa ang pagkilala sa 16 na natatanging guro sa IPEd na naglingkod mula 8 hanggang 30 taon sa mga malalayong komunidad ng Indigenous Peoples. Ang nasabing parangal ang pormal na nagbukas sa 2026 IP Education Month ng DepEd.
Kabilang pa sa mga natanggap na suporta ng mga guro ang pag-turnover ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso ng ceremonial check na nagkakahalaga ng ₱1 milyon para sa DepEd. Isinabay din ang pamimigay ng ₱1,000 World Teachers’ Day Incentive Benefit simula Oktubre 5.
Ipinagmalaki rin ng DepEd ang mga repormang naipatupad para sa kapakanan ng mga guro, tulad ng pagbawas sa mga mandatory school form mula 174 tungong limang regular na porma na lamang, pagtaas ng taunang Teaching Allowance sa ₱10,000, pagbibigay ng hanggang ₱7,000 medical subsidy, at limang araw na paid annual wellness leave.
Upang higit na makatutok ang mga guro sa pagtuturo, nagbukas din ang DepEd ng libu-libong bagong posisyon noong FY 2026 para sa mga administrative at support staff, tulad ng 10,000 School Counselor Associate, 11,268 Administrative Officer II, at 5,000 Project Development Officer I positions upang siyang humawak ng mga gawaing administratibo sa mga paaralan.
