Binasag na ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang katahimikan ngayong Martes, Hulyo 14, 2026, sa pagdidiin na walang anumang matibay na ebidensya ang mga reklamong impeachment na inihain laban sa kaniya sa Senado.
Ito ang kauna-unahang opisyal na pahayag ng Bise Presidente magmula nang magsimula ang kaniyang impeachment trial.
“Ang paulit-ulit na pag-aangkin na mayroong mga banta kahit wala naman, ang pag-imbento ng assassin na wala naman talaga, at ang paggawa ng huwad na ebidensya para suportahan ang mga claims na iyan ay hindi kailanman gagawing katotohanan ang isang kathang-isip,” ani Duterte.
Dagdag pa nito, ang ganitong mga hakbang ay nagpapahina lamang sa integridad ng mga pampublikong institusyon, sumisira sa tiwala ng bayan, nag-aaksaya ng pondo ng gobyerno, at nagpapadungis sa paghahanap ng katotohanan.
BASAHIN: Robin Padilla sa Impeachment Trial: ‘Komunista ako’
Bago ang kanyang pahayag, ipinalabas sa pagdinig noong Lunes, Hulyo 13, ang mga video recording kung saan maririnig si Duterte na nagbabanta ukol sa pagkuha ng assassin laban sa First Family, kasabay ng pagbibitiw ng mga maaanghang na salita laban sa mga mambabatas.
Gayunman, sa kaniyang pagtestigo, inamin mismo ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc na walang nabeberipikang ebidensya na nagpapatunay na nagbayad nga si Duterte ng tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Binigyang-diin ni Duterte na ang isang proseso ng impeachment ay dapat nakabatay sa kapani-paniwalang ebidensya at hindi sa mga espekulasyon, gawa-gawang salaysay, o mga alegasyong walang basehan.
Iginiit niya na ang umiiral na batas (rule of law) ay nakadepende sa katotohanan at hindi sa kuwento.
