Nabalot ng tensyon ang Smile Citihomes Condominium sa Barangay Kaligayahan, Quezon City matapos makatanggap ng abiso ng Maynilad Water Services Inc. ukol sa temporary disconnection dahil sa umabot sa P1.29 milyong unpaid bills.
Nitong Sabado ng gabi, daan-daang galit na residente ang sumugod sa administration building upang hingin ang paliwanag ng board of directors.
Giit ng mga unit owners, updated sila sa pagbabayad ng kanilang buwanang dues at water bills kaya’t walang rason upang maputulan sila ng suplay. Kasabay nito, hiniling din nila ang agarang pagbibitiw ng mga miyembro ng board.
Umagapay naman si Barangay Captain Alfredo “Freddy” Roxas kasama ang mga pulis upang mapanatili ang kaayusan.
Ayon kay Roxas, tumanggi ang mga miyembro ng board na bumaba at harapin ang mga nagrereklamong residente.
Bilang isang condominium complex, iisa lamang ang main connection ng Smile Citihomes sa Maynilad, at ang administrasyon ang may tungkuling maningil at magpahatid ng tubig sa bawat unit.
Sa abisong inilabas ng Maynilad noong Hunyo 22, binigyan ang pamunuan hanggang Hunyo 25 upang bayaran ang kabuuang P1,298,296.85 na natipon mula noong Abril hanggang Hunyo.
Nagbabala ang water utility na pansamantalang puputulin ang suplay ng tubig kapag nabigong mabayaran ang krusyal na halaga.
Sa isang advisory naman ng board noong Hunyo 26, ipinaliwanag nilang nag-ugat ang malaking bayarin matapos baguhin ng Maynilad ang kanilang classification mula residential patungong semi-business simula noong Marso 4, 2026 dahil umano sa mga komersyal na aktibidad sa loob ng premises.
Dahil dito, biglang sumipa sa mahigit P576,000 hanggang P577,000 kada buwan ang billing ng condo.
Giit ng board, nagpapadala naman sila ng “partial payments” buwan-buwan (na naglalaro sa P331,000 hanggang P342,000) upang matiyak na tuloy-tuloy ang suplay habang kinukwestyon ang, anila, ay hindi makatwirang pagtaas ng singil. Sa ngayon, ang tinututulang balanse o disputed amount ay nasa P956,296.85.
Upang maresolba ang isyu, pormal nang dinala ng pamunuan ang reklamo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office upang maibalik sila sa residential rate.
Idinagdag ng board na nakakuha na sila ng hold order mula sa MWSS na legal na nagbabawal sa Maynilad na magputol ng tubig sa Smile Citihomes habang gumugulong ang opisyal na imbestigasyon.
