Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyaking itataguyod ng mga El Niño protocol nito ang kaligtasan ng mga mag-aaral nang hindi pinalalala ang learning loss.
Sa halip na blanket suspensions, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat localized ang pagsuspinde ng klase. Babala niya, maaaring magpalala sa learning loss at magpalubha sa krisis sa edukasyon ang malawakang suspensyon ng mga klase.
“Hindi lang ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pinagbabantaan ng El Niño, kundi pati na rin kakayahan nilang matuto. Kailangang tiyakin nating hindi uurong ang kaalaman ng ating mga mag-aaral dahil palalalain nito ang krisis natin sa edukasyon,” ani Gatchalian.
Batay sa isang policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nawalan ng 20 teaching days ang isang karaniwang pampublikong elementarya noong School Year 2025-2026 dahil sa mga class suspension dulot ng iba’t ibang panganib. Natuklasan din sa policy note na sa bawat araw ng suspensyon ng klase, katumbas ng humigit-kumulang 1.4 araw ng reading progress ang nawawala sa mga mag-aaral.
Kamakailan, inilunsad ng DepEd ang 4H Framework na magsisilbing gabay sa pagsususpinde ng mga learning activity sa gitna ng banta ng El Niño. Sa ilalim ng framework, sususpindehin ang lahat ng physical at home-based learning activities kapag umabot sa 42°C o mas mataas ang heat index.
