Muling pinatunayan ng magkapatid na Carlos at Eldrew Yulo ang pangingibabaw ng Pilipinas sa larangan ng himnastiko matapos masungkit ang ginto at tansong medalya sa floor exercise ng 13th Senior Artistic Gymnastics Asian Championships nitong Sabado, Hunyo 20, 2026.
Ipinakita ni Carlos Yulo, ang double gold medalist sa 2024 Paris Olympics, ang kanyang walang katulad na galing sa kanyang itinuturing na pet event. Sa pamamagitan ng isang malinis at walang kapintasang eksekusyon, nakakuha si Carlos ng dambuhalang iskor na 14.700 upang tuluyang bulsahin ang gintong medalya.
Higit na pinaganda ni Carlos ang kanyang naunang marka na 14.430 na naitala niya noong qualification group.
Hindi naman nagpahuli ang mas batang kapatid na si Eldrew Yulo. Sa kanyang opisyal na pag-akyat sa senior division ngayong taon, niyanig ng batang gymnast ang kompetisyon matapos irehistro ang iskor na 14.300 upang angkinin ang bronze medal.
BASAHIN: Carlos Yulo wagi ng gold sa men’s vault sa World Championships
Bahagya lamang ang naging agwat ni Eldrew na 0.300 sa pambato ng Hapon na si Shona Tsukiyama na siyang nakakuha ng silver.
Malaki rin ang naging pag-unlad ng iskor ni Eldrew mula sa kanyang 13.600 noong eliminasyon kung saan halos pumasok lang siya sa huling slot ng mga kwalipikado.
Buhay pa ang tsansa ng Yulo brothers na makahakot ng karagdagang medalya para sa bansa sa iba pang mga kategorya.
Sasabak pa si Carlos sa parallel bars at horizontal bar, habang makikipagpatayan naman ang kanyang nakababatang kapatid na si Eldrew sa kategorya ng horizontal bar.
