Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang may-ari at kontraktor ng gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga na magbayad ng mahigit P11.7 milyong piso dahil sa mga paglabag sa labor standards at occupational safety.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, kinumpirma ni Labor Secretary Francis Tolentino na napatunayang may pananagutan sina Jackson Lim at ang Golden Years Construction and Steelworks Corporation.
“Nabatid ng DOLE na liable sina Jackson Lim at Golden Years Construction and Steelworks Corporation sa halagang P1,426,798.50 para sa labor standards violations, at karagdagang P10,324,000 bilang administrative fine sa ilalim ng Republic Act No. 11058 dahil sa tahasang paglabag sa occupational safety and health standards,” pahayag ni Tolentino.
Ayon sa imbestigasyon ng ahensya, ipinagpatuloy ng mga management ang konstruksyon sa kabila ng umiiral na Work Stoppage Order (WSO) na unang inisyu ng DOLE.
Dahil dito, isinalang umano ang mga manggagawa sa mapanganib na kondisyon na maaaring magresulta sa malubhang pinsala o kamatayan.
BASAHIN: TOLENTINO, SINUSPINDE AGAD ANG REGION 3 DIRECTOR SA GUMUHO NA 9-STOREY BUILDING SA PAMPANGA
Bukod sa isyu ng kaligtasan, tumambad din sa pagsisiyasat ang patong-patong na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, kabilang ang hindi pagpapasahod at hindi pagbibigay ng statutory benefits.
Hindi na nga binayaran nang tama sa mga regular na araw, pinagtrabaho pa ang mga ito tuwing Sabado, rest day, at holiday nang walang kaukulang umento sa sahod
Napatunayan ding bigo ang kumpanya na magkaloob ng Personal Protective Equipment (PPE), kumuha ng permit para sa mechanical lifting equipment, at magtalaga ng mga required safety officers at first aiders sa site.
Wala ring maayos na temporary accommodation para sa mga trabahador.
Lalo pang nabaon sa hinala ang kumpanya matapos madiskubre ng DOLE na pineke at hindi balido ang mga isinumiteng certificate para sa nakatalagang first aider at safety officer ng proyekto.
“Submit palamang sila ng mga fake at invalid certificates para sa project first aider at safety officer,” dagdag ng kalihim.
Bunsod ng mga matitinding paglabag na ito, pormal nang ipapasa ng DOLE ang buong rekord ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa lokal na pamahalaan ng Angeles City para sa kaukulang aksyong kriminal at administratibo. (MINA PADERNA)
