Patuloy na isinusulong ng Manila Water ang responsableng pamamahala ng dumi sa pamamagitan ng paglalabas ng iskedyul ng desludging ngayong Setyembre. Layunin nitong pangalagaan ang mga daluyan ng tubig, protektahan ang kalusugan ng publiko, at ingatan ang ating mga yamang-tubig para sa mga susunod na henerasyon.
Inanunsyo ng Manila Water ang pagpapalawig ng kanilang desludging program ngayong buwan ng Setyembre sa iba’t ibang barangay sa East Zone.
Layunin ng hakbang na ito na palakasin ang wastewater management, maiwasan ang polusyon sa mga ilog at sapa, at protektahan ang kalusugan ng publiko at ng kalikasan.
Bibisitahin ng mga desludging team ng Manila Water ang mga barangay ng Bagong Nayon, Sta. Cruz, at San Luis sa Antipolo City; San Andres sa Cainta; Sta. Ana sa Taytay; Pantok at Pila Pila sa Binangonan; pati na rin ang mga bayan ng Baras, Jalajala, San Mateo (Guitnang Bayan I), at Rodriguez/Montalban (San Jose, San Isidro, San Rafael) sa Rizal. Kabilang din sa pupuntahan ang Concepcion Uno sa Marikina City, Bambang sa Pasig City, at mga piling account sa Sauyo, Blue Ridge A at B, Bayanihan, at Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Ang pagpapasipsip ng poso negro kada limang taon ay nakatutulong upang maiwasan ang pagbara ng mga tubo at ang pag-agos ng dumi sa mga kalapit na daluyan ng tubig.
“Ang pagprotekta sa ating water resources ay nangangailangan ng pamamahala sa buong water cycle—mula sa pinagmumulan hanggang sa gripo at pabalik sa kalikasan,” ayon kay Dittie Galang, Manila Water Corporate Communications Group Head.
Walang karagdagang bayad ang serbisyong ito para sa mga customer ng Manila Water.
Pinapaalalahanan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na bigyan ng access ang mga tauhan ng kumpanya sa kanilang mga poso negro upang maging mabilis at maayos ang pagsasagawa ng desludging.
