Anim sa bawat sampung Filipino adult—o halos dalawa sa bawat tatlo—ang sobra sa timbang o may labis na katabaan (overweight at obesity), ayon sa pinakahuling datos ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Sa idinaos na media forum sa Kapihan sa Manila Bay forum kasabay ng Obesity Prevention Awareness Week at World Patient Safety Day, binigyang-diin ng mga dalubhasa sa kalusugan na ang obesity ay isang lehitimong sakit o chronic disease at hindi dapat ituring na simpleng kawalan lamang ng disiplina o katamaran.
Ayon kay Dr. Nemencio “Nemy” Nicodemus Jr., endocrinologist mula sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), nakakabahala ang pagtaas ng bilang ng may obesity dahil nauugnay ito sa apat sa limang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino: sakit sa puso (ischemic heart disease), stroke, kanser, at diabetes.
Ipinaliwanag ni Dr. Nicodemus na bukod sa Body Mass Index (BMI), mas mapanganib ang visceral fat o ang tabang bumabalot sa mga panloob na organo tulad ng atay (fatty liver). Sa pamantayan ng Asia-Pacific, itinuturing na may obesity ang may BMI na 25 pataas, o may sukat ng baywang na lampas sa 31.5 pulgada para sa kababaihan at 34.5 pulgada para sa kalalakihan.
Mahigpit ding nagbabala ang mga eksperto laban sa pagbili ng mga patok na pampapayat sa social media, partikular ang mga tinatawag na compounded o hindi rehistradong injectable GLP-1 receptor agonists.
“Lahat ng nabibili online ngayon, hindi legit. Walang garantiya kung may active ingredient ba ‘yan, kontaminado, o baka tubig lang ang laman. Pwede itong magdulot ng matinding pinsala sa katawan,” giit ni Dr. Nicodemus.
Sinang-ayunan ito ni Wei Sun, General Manager ng Novo Nordisk Philippines, at sinabing bagama’t may mga gamot nang aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) tulad ng semaglutide (Wegovy) na nakatutulong sa pagbawas ng gana sa pagkain at pagprotekta sa puso, dapat lamang itong makuha sa pamamagitan ng reseta ng doktor at mabili sa mga lisensyadong botika.
Ibinahagi naman ni Karen Villanueva, opisyal ng Obesity Philippines Association, ang araw-araw na pagsubok ng mga pasyente tulad ng “food noise” o ang patuloy na paghahanap ng utak ng pagkain dulot ng hormonal imbalance. Nanawagan siya sa publiko at mga healthcare worker na alisin ang stigma at body shaming upang hindi matakot ang mga pasyenteng magpatingin sa doktor.
Nilinaw ng mga doktor na walang “magic pill” o mabilisang lunas sa obesity.
Katulad ng hypertension at diabetes, nangangailangan ito ng pangmatagalang pangangalaga, gabay ng doktor, at kombinsasyon ng tamang gamutan, balanseng nutrisyon, sapat na tulog, at regular na ehersisyo.
Hinimok din ng grupo ang publiko na samantalahin ang mga programa ng pamahalaan tulad ng YAKAP centers ng PhilHealth para sa libreng blood chemistry at konsultasyon upang maagapan ang mga komplikasyon ng labis na timbang.
