Sa mga maralitang komunidad kung saan ang kawalan ng maayos na serbisyong medikal ay maaaring maging mitsa ng buhay at kamatayan para sa mag-ina, isang programa ang nagbigay ng bagong pag-asa at kalinga para sa mga buntis at kanilang mga sanggol.
Ito ay sa pamamagitan ng First 1000 Days (F1KD) Maternal and Early Childhood Health Care Program, isang pagtutulungan ng PHINMA Foundation, PHINMA Education, at Bell-Kenz Foundation Inc. (BKFI) — ang corporate social responsibility arm ng Bell-Kenz Pharma Inc.
Unang isinailalim sa pilot testing sa Cebu, layunin ng F1KD na gabayan at alagaan ang mga mag-ina sa pinaka-kritikal na unang 1,000 araw ng bata — simula sa pagbubuntis hanggang sa sumapit ang kanyang ikalawang kaarawan.
Ayon kay Heide Foulc ng PHINMA Education, kasalukuyang sumusuporta ang programa sa 70 mother-and-child beneficiaries na nakatutok sa nutrisyon, edukasyong pangkalusugan, at libreng gamot.

Isa sa mga natulungan ng programa ay ang 21-anyos na si Angel Amosa mula sa Sambag.
Mag-isa at walang katuwang sa buhay, nahirapan si Angel sa unang buwan ng kanyang pagbubuntis dahil sa kawalan ng sapat na kita.
“Wala ko kabalo nga kinahanglan diay mag-amping ka sa imong kaon kung buntis ka (Hindi ko alam noon na kailangan mo palang alagaan ang kinakain mo kapag buntis),” pag-amin ni Angel.

Ganito rin ang naging karanasan ni Mary Talledo, isang ina na may tatlong anak, na dumaan sa matinding hirap sa mga nakaraang pagbubuntis dahil sa kawalan ng gabay sa tamang nutrisyon.
Sina Angel at Mary ay natukoy sa pamamagitan ng pag-profile ng Southwestern University PHINMA at ng mga Barangay Health Units upang matiyak na ang mga sapat na tulong ay makakarating sa mga inang tunay na nangangailangan.
Sa ilalim ng adbokasiyang Kaagapay sa Kalinga ng Bell-Kenz Foundation, nakatanggap ang mga ina ng tuloy-tuloy na prenatal check-up, buwanang laboratory test, at mga suplay ng gatas, bitamina, at mga supplements.
Noong magbuntis si Mary, nasuri siyang may mataas na blood sugar levels kaya agad siyang isinailalim sa dietary intervention ng mga dietitian mula sa Southwestern Medical Center.
“Pinayuhan akong kumain ng mais sa gabi imbes na kanin, at iwasan ang matatamis. Ngayon, alam ko na kung gaano ito kahalaga sa kalusugan ng sanggol,” ani Mary na bumuti ang kalusugan kumpara sa kanyang mga nakaraang pagbubuntis.

Bukod sa medikal na aspeto, binibigyan din ang mga ina ng mga seminar ukol sa childcare, breastfeeding, at emotional preparedness upang magkaroon sila ng kumpiyansa sa pagpapalaki ng anak.
Ayon kay Patrick Larraga, Corporate Branding and Public Affairs Head ng Bell-Kenz Pharma, karapatan ng bawat ina na magluwal ng buhay nang ligtas, malusog, at may dignidad.
Layunin din ng kanilang kumpanya na makatulong sa paglutas ng matagal nang problema sa malnutrisyon sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na pangangalaga at edukasyon.
