Si dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President Emmanuel Ledesma Jr. at Executive Secretary Ralph Recto.
Pormal nang naghain ng motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman ang isang grupo ng mga doktor at abogado upang ipabaligtad ang naunang desisyon nito na nag-aabsuwelto kina Executive Secretary Ralph Recto at dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President Emmanuel Ledesma Jr.
Hinihiling ng grupo sa Ombudsman na muling suriin ang pagbasura sa mga reklamong technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, plunder, at grave misconduct na nag-ugat sa kontrobersiyal na P60-bilyong fund transfer mula sa PhilHealth patungo sa National Treasury.
Sa kanilang mosyon, binigyang-diin ng mga complainant na nabigo ang naunang desisyon na timbangin nang maayos ang naging papel ni Recto sa 2024 General Appropriations Act.
Kabilang dito ang kaniyang partisipasyon sa bicameral conference committee, kung saan umano isiningit ang isang espesyal na probisyon na siyang ginamit na batayan para mailipat ang bilyun-bilyong pisong reserve funds ng PhilHealth.
BASAHIN: Recto: Wala akong ‘criminal liability’ sa P60-B PhilHealth fund transfer
Bukod dito, kinuwestiyon din ng grupo ang biglaang pag-lobo ng unprogrammed appropriations sa Lipa, Batangas—mula sa dating P50 milyon patungong P3.6 bilyon noong 2024.
Ayon sa mga complainant, may hinala silang may kinalaman ito sa muling paglalaan ng mga pondo ng korporasyon ng pamahalaan patungo sa National Treasury.
Mariing ipinaliwanag ni Atty. Rodel Taton sa isang panayam na hindi dapat maging basehan ang “intent” o motibo sa paglipat ng pondo dahil malinaw na ipinagbabawal ito ng batas.
“Ang tinitingnan namin dito ay ang sinasabi ng Office of the Ombudsman and with all due respect na hinahanapan ng intent. These are immaterial because the law says that this is prohibited. And in this particular case, there is the PhilHealth law, the universal healthcare law, and itong lahat ng ito ay nagsasabi na bawal ang paglipat ng pondo ng PhilHealth,” ani Atty. Taton.
Inaasahan ngayon ang magiging aksyon at tugon ng Ombudsman sa inihainsang mosyon habang patuloy na lumalaban ang mga petisyunero para sa mas malalim na pagsusuri sa umano’y iregular na paglipat ng pondo ng bayan.
